AGNO, Pangasinan – Apat sa 14 na gumahasa sa isang dalagita ang naaresto nitong Lunes, isang buwan makaraang madakip ang lima pang suspek, at hustisya ang patuloy na iginigiit ng pamilya ng biktima na naniniwalang dapat nang ibalik ang death penalty sa bansa, tulad ng isinusulong ng presidential aspirant na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Dakong 5:00 ng hapon nitong Lunes nang maaresto ng pulisya ang apat na suspek sa kani-kanilang bahay sa Barangay Cayungnan sa Agno, ayon kay Agno Police chief, Insp. Renato Gacad.

Sa bisa ng mga arrest warrant, nadakip sina Raul Micus, 44, binata; Dionisio Micus, 68, may asawa; Reynaldo Niemo, 55, may asawa; at isang 16-anyos na lalaki, pawang magsasaka at taga-Bgy. Cayungnan, Agno.

Kinasuhan sila ng rape at walang piyansang inirekomenda para sa kanila si Hon. Judge Elpidio N. Abella, ng Regional Trial Court Branch 55 sa Alaminos City.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sinabi ni Gacad na 14 na indibiduwal ang itinuro ng biktima ngunit sampu lang sa mga ito ang pormal na kinasuhan sa korte, dahil 15-anyos pababa ang apat na inabsuwelto ng korte.

At dahil siyam na sa 10 suspek ang naaresto, sinabi ni Gacad na isa na lang ang pinaghahanap ng pulisya.

“Magkakaibang lugar at magkakaibang araw na ginalaw ‘yung bata. Kinukuha ito sa kanilang bahay at tinatakot,” sabi ni Gacad. “Ang usapan sa baryo, nagalaw ng isa at nagsunud-sunod na. Hindi naman nagawa ng biktima na magsumbong sa magulang dahil sa takot nito.”

“Ginawa nilang parausan ang bata. At dahil napag-uusapan sa baryo, narinig ng isang kamag-anak at kinausap ang bata ‘saka ito umamin at itinuro ang lahat ng gumalaw sa kanya,” dagdag ni Gacad.

Nabatid na 2014 pa nagsimula ang panggagahasa.

Nasa kostudiya na ng Department of Social Welfare and Development ang dalagita, at pinangunahan na ng National Bureau of Investigation ang paghahain ng kasong rape laban sa mga suspek. (Liezle Basa Iñigo)