Isang pulis na nakabase sa Metro Manila at isang miyembro ng konseho sa Ilocos Norte ang naaresto dahil sa ilegal na pagpapaputok ng baril sa kanilang lugar.
Kinilala ni Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), ang mga naaresto na sina PO1 Francis Flake, nakatalaga sa Camp Bagong Diwa, Taguig City; at Erol Calivoso, pangulo ng Association of Barangay Captains (ABC) sa Pagudpud, Ilocos Norte.
Si Calivoso ay ex-officio member ng Konseho ng Pagudpud.
Si Flake ay dinampot ng kanyang mga kabaro nang magpaputok siya ng baril sa tapat ng isang restaurant sa Malate, Manila habang si Calivoso ay naaresto sa Barangay Baduang sa Pagudpud noong Pasko.
Dahil dito, umabot na sa anim ang naaresto matapos paigtingin ng PNP ang kampanya nito laban sa ilegal na pagpapaputok ng baril noong Disyembre 16.
Magtatagal ang kampanya hanggang sa Enero 6, ayon kay Mayor.
Ang iba pang naaresto ay sina Jerry Divina, security guard, mula sa Pilar, Abra; Willy Talingting, ng Kananga, Leyte; Felix Cuenca, ng Dapitan City; at Marianito Alob, ng Sariaya, Quezon.
Limang katao, kabilang ang isang tatlong taong gulang na babae, ang nasugatan dahil sa ilegal na pagpapaputok ng baril sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ayon sa pulisya. (Aaron Recuenco)