Inakusahan ng mga tagasuporta ni Senator Grace Poe si Senator Francis “Chiz” Escudero ng pagiging “ahas” dahil sa umano’y pag-abandona nito sa senadora.

Naparalisa kahapon ng grupong Philippine Crusader for Justice (PCJ) ang Padre Faura Street sa Ermita, Maynila, sa harap ng Korte Suprema, na roon sila nagsagawa ng kilos-protesta, bitbit ang mga placard na nasusulatan ng “AHAScudero, ‘wag pagkatiwalaan” at iba pa.

Habang ang ibang demonstrador ay nakasuot ng puting T-shirt na may nakaimprentang “Sen. Chiz Laglag” at iba pa.

Sina Poe at Escudero ay magkatambal para presidente at bise president para sa eleksiyon sa 2016.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ayon kay Kim Garcia, tagapagsalita ng PCJ, nakadidismaya ang anila’y panlilinlang ni Escudero sa kaibigan at ka-tandem nito dahil sa una pa ay batid na nitong madidiskuwalipika lang ang senadora kapag kumandidato sa pagkapangulo.

Iginigiit ng grupo na may pananagutan si Escudero sa mga kaibigan nito dahil sa personal na interes lamang, anila, ang iniisip nito.

Batay sa pagtaya ni Manila Police District (MPD) Station 5 Commander Supt. Albert Barot, nasa 700 katao ang nakibahagi sa kilos-protesta sa harap ng Korte Suprema kahapon.

Hinihiling rin ng mga ito sa kataas-taasang hukuman na agad na magdesisyon sa apela na inihain ng kampo ng senadora, na patuloy na nangunguna sa survey ng mga presidentiable. (MARRY ANN SANTIAGO)