GUGUNITAIN bukas ng buong bansa ang ika-119 na taong kamatayan ni Dr. Jose P. Rizal, ang pambansang bayani ng Pilipinas. Siya ay hindi lamang tunay na makabayan kundi isang bantog na manunulat na sumulat ng dalawang nobela na nagbubunyag sa kasamaan ng mga prayle noong panahon ng Kastila. Si Rizal din ang nagpahayag na ang “Kabataan ang Pag-asa ng Bayan.”
Siya rin ang nagpahayag sa kahulugan at kahalagahan ng kalayaan nang sambitin niya ito sa pamamagitan ni Padre Florentino, isang paring Pilipino, habang nakikipag-usap kay Crisostomo Ibarra: “Ano na ang kalayaan kung ang mga alipin ngayon ang siyang mang-aalipin sa kinabukasan?” Hindi ba siya rin ang naghabilin sa mga kababayan noon na “Ako’y mamamatay na hindi nasisilayan ang bagong umaga. Kayo na makasisilay nito, mahalin at arugain ito.”
***
Totoo kayang may nakasingit pa ring bilyun-bilyong pisong pork barrel sa bagong lagdang pambansang budget para sa 2016, na nagkakahalaga ng P3.002 trilyon? Ito ang hinala o akusasyon ni ex-National Treasurer Leonor Briones, na miyembro ng gabinete noong panahon ni ex-Pres. Joseph Estrada.
Napikon yata, sumagot si Budget Secretary Florencio “Butch” Abad at sinabihan si Briones at lahat ng mapaghinala sa 2016 national budget na ang dapat nilang tanungin ay ang mga senador at kongresista kung nakatagpo ang mga ito ng isiningit na pork barrel sa deliberasyon nito sa plenaryo.
***
Siyanga pala, nakita ba ninyo sa mga pahayagan noong Linggo ang larawan ni Pangulong Aquino kasama si Kris Aquino at mga anak nitong sina Joshua at Bimby? Si Joshua ay anak ni Kris sa aktor na si Philip Salvador samantalang si Bimby ay anak niya sa basketball player na si James Yap.
Ang larawan ay kuha sa selebrasyon ng Noche Buena sa Malacañang. Ito ang huling Pasko ni PNoy sa Malacañang dahil bababa siya sa puwesto sa Hunyo 2016. Maganda ang ngiti ni PNoy habang yakap-yakap siya ni Bimby at nakaakbay naman si Joshua na napakatangkad. Maligayang Pasko, Ginoong Pangulo at sana’y maging maligayang muli ang iyong Pasko kahit wala ka na sa Palasyo sa susunod na taon.
Mula sa akin, nais kong batiin ang lahat ng isang Mapayapa at Malusog na Bagong Taon. Walang kapalit ang pagkakaroon ng payapa at malusog na kaisipan. Hindi ito mabibili ng kahit bultu-bultong pera. Kay sarap matulog kapag ikaw ay may “Peace of Mind”. (BERT DE GUZMAN)