SINABI ni Sri Lanka President Maithripala Sirisena na ang mga organizer ng concert sa Colombo ni Enrique Iglesias kamakailan ay dapat na “whipped with toxic stingray tails” dahil ang pagtatanghal ay “uncivilized”.

Sa concert ni Enrique noong Disyembre 20 sa kabiserang Colombo, ilang babaeng Sri Lankan ang sumugod sa entablado upang yakapin at halikan ang Hero singer, habang ibinabato naman ng ilan ang kanilang mga underwear sa kanya, sinabi ni Sirisena sa isang public meeting sa silangang distrito ng Ampara.

“This is most uncivilised behavior that goes against our culture,” anang presidente.

“I don’t advocate that these uncivilized women who removed their brassieres should be beaten with toxic stingray tails, but those who organized such an event should be,” dagdag ng pangulo.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Ang paghahampas ng buntot page ay ipinapataw na parusa laban sa mga kriminal sa medieval Sri Lanka, at isa ring popular idiom para sa matinding parusa sa pagkakamali.

Hindi naman agad na nakapagkomento ang mga organizer ng concert, ang Live Events, isang kumpanyang pag-aari ng Sri Lankan cricket stars na sina Kumar Sangakkara at Mahela Jayawardene.

Sa konserbatibong lipunan ng Sri Lanka, ang pagpapakita ng paghanga o pagnanasa, kahit pa sa pagitan ng mag-asawa, ay hindi katanggap-tanggap. Kilala ang pulisya sa pag-aresto sa mga pareha na naaaktuhang naghahalikan o magkayakap sa mga pampublikong parke at iba pang romantikong lugar.

Nagbayad ang fans ni Enrique ng 5,000 rupees hanggang 50,000 rupees ($350) upang mapanood ang isang-oras na pagtatanghal ng Latin pop star, na may dugong Pinoy, sa isang rugby stadium sa Colombo. Bahagi ito ng Love and Sex world tour ni Enrique. (AFP)