Iginiit ng liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na lumiit na ang puwersa ng New People’s Army (NPA) sa 1,691 mula sa dating 2,035.

Ito ay salungat sa inihayag ng leader ng NPA na lumobo ang kanilang hanay, partikular sa katimugang bahagi ng bansa.

Sa isang pahayag na isinabay sa ika-47 anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP) noong Sabado, sinabi ni Jorge Madlos, alyas “Ka Oris”, tagapagsalita ng CPP-NPA-National Democratic Front (NDF) sa Mindanao, na lumobo ang bilang ng mass base ng kilusan sa 200,000 mula sa 120,000 noong 2010.

Bukod dito, sinabi rin ng grupong komunista na lumawak din ang operasyon ng NPA sa kasalukuyang 2,500 barangay mula sa dating 1,850 noong 2010.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinalungat naman nito ni Philippine Army-Public Affairs Office chief Col. Benjamin Hao na nagsabing “nangangarap lang si Madlos upang takpan ang mga kapalpakan ng kanilang kilusan at paghina ng kanilang puwersa.”

Sinabi rin ni Hao na bumaba ang bilang ng mga barangay na dating kontrolado ng NPA sa 413 ngayong 2015, mula sa 547 noong nakaraang taon.

“Sa bilang ng kanilang armas, umabot sa 101 ang nabawi ng gobyerno,”dagdag niya.

Ang pinakamalaking dagok sa NPA ay ang pagbaba ng guerilla front nito sa 24 mula sa dating 29. Unang iginiit ng liderato ng NPA na umabot na sa 46 ang bilang guerilla front nito.

“This claim further negates the fact that they lost one of their key leaders this year in the person of Leoncio Pitao alias Commander Parago,” dagdag ni Hao.

“Kung saan man niya nakuha ang mga numerong ito, mananagot pa rin siya sa kanyang boss (CPP founding chairman Jose Ma. Sison) sa The Netherlands,” ayon kay Hao. (Elena Aben)