IKINAGALIT ng China ang pananatili ng isang grupo ng mga Pilipinong raliyista sa isa sa mga islang pinag-aagawan sa South China Sea o West Philippine Sea.
Nasa 50 raliyista, karamihan sa kanila ay mga estudyante, ang dumating sa isla ng Pag-asa sa Kalayaan, Palawan, na malapit sa Spratly archipelago, noong Sabado upang manindigan laban sa anila’y paunti-unting pananakop ng Beijing sa exclusive economic zone ng Pilipinas.
Ito ang naging pahayag ng alkalde ng isla na si Eugenio Bito-onon.
Inaangkin ng China ang halos buong West Philippine Sea, na pinaniniwalaang nagtataglay ng saganang langis at petrolyo, at dinadaanan ng may $5 trillion halaga ng kalakal bawat taon.
May inaangkin ding mga isla sa lugar ang Pilipinas, Brunei, Malaysia, Taiwan at Vietnam.
Inihayag naman ni Lu Kang, tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry, na “strongly dissatisfied” ang China sa ginawa ng mga Pilipino, binigyang-diin na hindi maaaring kuwestiyunin ang soberanya nito sa mga isla sa Spratly.
“We once again urge the Philippines to withdraw all its personnel and facilities from the islands that it is illegally occupying, refrain from actions that are detrimental to regional peace and stability and not conducive to Sino-Philippines relations,” sinabi ni Lu.
Inilarawan ang kanilang hakbangin bilang isang “patriotic voyage”, plano ng mga raliyista, na pinamumunuan ng isang dating marine captain, na manatili sa isla nang tatlong araw bilang isang simbolikong pagkontra sa China.
Tinangka ng mga opisyal ng gobyerno at ng militar na pigilan ang paglalayag ng grupo, para na rin sa seguridad at kaligtasan ng mga ito, lalo na at katatapos lang salantain ng bagyo ang West Philippine Sea ilang linggo na ang nakalilipas.
Nangangamba rin ang Pilipinas sa magiging reaksiyon ng China sa nasabing hakbangin, dahil sinisikap ng gobyerno na pahupain ang tensiyon na dulot ng pagpapalawak ng Beijing sa mga itinayo nitong istruktura sa West Philippine Sea—nagtatag ito ng pitong artipisyal na isla sa pinag-aagawang karagatan.
Pormal na idinulog ng Pilipinas ang kaso laban sa China sa arbitration court sa The Hague, ngunit hindi ito kinikilala ng Beijing. (Reuters)