Tiniyak ni Northern Police District (NPD) Director Chief Supt. Eric Serafin Reyes na sisibakin niya sa puwesto ang sinumang hepe ng pulisya sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela kapag nakapagtala ng mataas na bilang ng mga naputukan sa kani-kanilang area of responsibility sa pagsalubong sa Bagong Taon sa Huwebes.
Sinabi ni Reyes na bukod sa mga station commander sa apat na lungsod, sisibakin din niya sa puwesto ang mga magpapabayang Police Community Precinct (PCP) commander.
Opisyal ang nasabing hakbangin, batay sa direktiba ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ricardo Marquez.
Ayon pa kay Reyes, dapat na walang masasaktan sa pagsalubong ng Camanava sa 2016.
Kaugnay nito, inatasan din niya ang NPD na magronda sa umaga pa lang ng Huwebes hanggang bago mag-hatinggabi upang magdalawang-isip ang mga magpapaputok.
Nagbabala rin si Reyes na aalisin sa tungkulin ang sinumang pulis na mapatutunayang nagpaputok ng baril.
(Orly L. Barcala)