Kung ang pagbabasehan ay karanasan sa pulitika at academic background, sinabi ng senatorial candidate na si Mark Lapid na siya ay “upgraded version” ng kanyang ama na si Sen. Lito Lapid.

Nasa ikalawa at huling termino bilang senador, naghain na ng kandidatura si Lito Lapid sa pagkaalkalde ng Angeles City sa Pampanga para sa 2016 elections.

“Mahiyain ang aking ama, lalo na sa pagsasalita sa media at pakikipagdebate sa Senado,” sinabi ng nakababatang Lapid, na isa sa 12 senatorial candidate ng “Daang Matuwid” coalition na pinangungunahan ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas.

“Ako ay kanyang kabaliktaran. Komportable akong magsalita sa media at alinmang forum. At kung bibigyan ng pagkakataon, sasabak din ako sa debate sa Senado,” dagdag ni Mark.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Itinuturing na pinakabatang senatorial candidate sa edad na 36, nagsimulang sumabak sa pulitika si Mark Lapid bilang chairman ng Sangguniang Kabataan sa Pampanga simula 1997 hanggang 2002.

Nagsilbi rin siyang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan matapos mahalal bilang pangulo ng SK Provincial Federation.

Noong 2004, tumakbo si Mark Lapid sa pagkagobernador ng Pampanga at nagwagi.

Bagamat aminado na hindi masyadong sumasabak sa balitaktakan ang kanyang ama sa Senado kumpara sa mga kabaro nito, iginiit naman ni Mark na papatunayan ng Senate record na ginampanan ni Lito Lapid ang trabaho nito bilang mambabatas sa dalawang termino. (AARON RECUENCO)