DALAWANG araw makalipas ang huling unang araw ng Bagong Taon, iniulat ng Philippine National Police (PNP) na isang tao ang napatay at 30 iba pa ang nasugatan sa ligaw na bala na pinaputok noong bisperas ng Bagong Taon. Makalipas ang dalawang araw, umakyat ang bilang ng mga biktima sa 61 matapos na magdatingan ang mga ulat mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Ang nag-iisang nasawi ay isang batang babae mula sa Cordilleras. Karamihan sa mga nasugatan ay mula sa Metro Manila—18, kasunod ng Calabarzon na may pito, anim sa Western Visayas, at lima sa Cordilleras.
Labimpitong katao ang naaresto dahil sa mga insidente ng ligaw na bala. Pito sa mga ito ay pulis, apat ang security guard, at ang iba pa ay sibilyan.
Taun-taon, nagbababala ang PNP sa mga tauhan nito laban sa pagpapaputok ng baril sa selebrasyon ng Bagong Taon.
Nagdaraos pa ng mga seremonya na ang mga baril ay sineselyuhan ng tape—higit na simboliko, dahil hindi naman nakakapigil ang masking tape sa sinuman na magpaputok ng baril. Layunin ng seremonya na paalalahanan ang mga pulis bawat taon na marami sa mga insidente ng nasugatan sa ligaw na bala ay dahil mismo sa mga pulis, gayung sila ang dapat na nagpapatupad ng batas.
Noong nakaraang linggo, iniulat ng PNP ang mga unang biktima ng ligaw na bala ngayong taon—isang tatlong taong gulang na babae na tinamaan sa tiyan sa Zamboanga del Norte at isang 50-anyos na babae na nabaril sa binti sa Zamboanga City. Naitala ang mga ito maraming araw pa ang lilipas bago ang Bagong Taon.
Ang dalawang paunang insidenteng ito ay dapat na magpaalala sa ating mga pulis na doblehin ang kanilang pagiging alerto at mga pagsisikap habang papalapit ang bisperas ng Bagong Taon. Hindi dapat na kalimutan ng bawat nagmamay-ari ng baril na ang anumang tumaas ay bababa rin. Ang bala na ipinutok paitaas sa kasagsagan ng selebrasyon ng Bagong Taon ay bababa sa lupa, at posibleng masapol nito ang isang inosenteng bata na nanonood ng fireworks display sa kalangitan.
Tunay na nakalulungkot isipin na mismong mga pulis ang nasa likod ng taunang insidente ng mga natamaan ng ligaw na bala. At ngayong dalawang araw na lang bago ang bisperas ng Bagong Taon sa Huwebes, dapat na muling paalalahanan—nang paulit-ulit—ng mga opisyal ng PNP ang kanilang mga tauhan hindi lamang sa pinupuntiryang zero casualty sa selebrasyon ng Bagong Taon, sa mga sakunang dulot ng paputok at pailaw, kundi lalo na laban sa mga insidente ng ligaw na bala. Higit sa lahat, dapat na wala nang maitalang nasapol ng ligaw na bala, na kagagawan mismo ng mga pulis.