HINDI kumukupas ang ating paninindigan hinggil sa sapilitang pagpapatupad ng Reserve Officers Training Corps (ROTC) sa mga kolehiyo at unibersidad sa buong bansa. Ang ating hangarin ay nakaangkla sa makabuluhang misyon ng naturang mga kadete sa mga gawaing pang-komunidad at sa pagtatanggol sa mamamayan laban sa mga naghahasik ng karahasan. Ang mga nagtapos sa ROTC course ang itinuturing na reserbang puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Magugunita na ang mandatory ROTC program ay binuwag noong 2001 nang susugan ang batas na lumilikha rito, ang Citizen Armed Forces of the Philippines Reservist Act. Sinusugan ito ng National Service Training Program Act, dahilan upang ang ROTC ay naging optional course na lamang.
Dahil dito, lalong umigting ang mga panawagan upang muling iutos ang implementasyon ng nasabing kurso. Isa ito sa mga rekisitos upang ang male students ay maituring na college graduate sa mga pamantasan. Ito rin ang maliwanag na dahilan upang isulong ng mga mambabatas ang isang panukalang-batas na nag-uutos na muling ipatupad ang mandatory ROTC.
At ito rin ang dahilan kung bakit hinihiling ng mga kongresista, at ng mismong mga mamamayan, kay Presidente Aquino na sertipikahan bilang “urgent” ang naturang bill. Higit na kailangan ngayon ang paglikha ng matatag na military force na may kaakibat na masidhing pagkamakabayan. Lalo na ngayon na ang bansa ay ginigiyagis ng malagim na karahasan na inihahasik ng iba’t ibang grupo ng mga rebelde. Kamakailan lamang, nagbanta ang mga bandidong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na paiigtingin nila ang paglusob sa mga kampo ng militar at ng iba pang grupo ng mga alagad ng batas. Maging ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ay may kahawig ding panggugulo sa mga komunidad.
Totoong libu-libo na ang mga miyembro ng AFP at ng PNP. Bukod pa rito ang iba pang security agencies na may misyon ding ipagtanggol ang sambayanan laban sa mga bandido, tulad ng itinatagubilin ng Konstitusyon. Subalit kailangan pa rin ang reserbang puwersa ng ROTC para sa katahimikan ng mga komunidad.
Matagal nang napatunayan ng taumbayan ang kahalagahan ng naturang grupo sa pagdamay sa mga biktima ng kalamidad at iba pang civic mission. Angkop din ang kanilang pagsasanay sakaling sumiklab ang digmaan. (CELO LAGMAY)