Ito ang simple ngunit punung-puno ng kumpiyansang sagot ni Globalport coach PIDO Jarencio sa mga tanong kung ano ang kanyang masasabi sa kanilang pagkapanalo kontra Barangay Ginebra sa knockout match sa quarterfinals para sa ikatlong semifinals berth ng 2016 PBA Philippine Cup noong Linggo ng gabi sa MOA Arena.

“I give credit to the boys, talagang deserve nila na mapunta sa semis. Wala akong masasabi, talagang deserving ang mga player, this is a good team,” pahayag ni Jarencio matapos ang kanilang 84-83 panalo na nabahiran pa ng kontrobersiya sa dulo ng laro.

Hindi agad lumisan at lumabas ng court ang buong Ginebra team sa pangunguna ni coach Tim Cone sampu ng kanilang fans matapos tumunog ang final buzzer dahil sa “non-call” ng mga game official sa huling play ng laban.

Angat ng isa ang Batang Pier, 84-83, matapos tapyasin ng Kings ang kanilang naunang tatlong puntos na bentahe, may 8.7 segundo pa ang nalalabi.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Tinanggap ni Stanley Pringle ang bola mula sa inbound at mula roon ay na-trap siya ng ginawang double team defense ng Kings pagkatanggap niya ng bola mahigit pitong segundo ang natitirang oras.

Naipasa ni Pringle ang bola, mahigit isang Segundo na lamang ang nalalabi sa oras, malinaw na nagkaroon ng 5-seconds ball-hugging violation ang Batang Pier na hindi tinawagan ng referee.

Ito ang inirereklamo ni Cone, ngunit nagdesisyon na ang mga referee at idineklara ng panalo ang Globalport na lubha nilang ikinadismaya.

“We all know that Ginebra is a tough team and coach Tim is a very good coach. Pero breaks of the game ‘yun e,” pahayag ni Jarencio ukol sa kontrobersiya.

Dahil Enero na ang simula ng semifinals, sinabi ni Jarencio na nanamnamin muna nila ang sarap ng kauna-unahang appearance ng kanilang prangkisa sa semifinals. “At least best of 7, makapagpapahinga kami. Pahinga muna kami sandali, but after that, back to work ulit and we need to work extra hard para sa semifinals. But for the meantime, we will enjoy the win kasi first time naming makapunta ng semifinals.”

Samantala, binigyang kredito ni Terrence Romeo ang lahat ng kanyang mga kakampi dahil sa magandang teamwork na kanilang ipinakikita at sa suportang ibinibigay sa kanila ng kakamping si Pringle bilang 1-2 punch ng Batang Pier.

“Medyo natututo na kami, nag-i-improve na kami, nag-uuusap-usap lalo kami ni Stanley. Credit sa lahat ng teammates namin kaya nagiging madali sa amin ang umatake dahil binibigyan kami ng magandang screen at magandang pasa,” ani Romeo.

Nakatakdang makasagupa ng Globalport ang topseed Alaska sa semifinals na isang best-of-7 series simuls sa Enero 4 sa MOA Arena. (Marivic Awitan)