Kinontra ng isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang pahayag ng presidential candidate na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na ang pagbabalik sa parusang kamatayan ang pinaka-epektibong solusyon laban sa krimen.

Pumalag si Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP-Public Affairs Committee sa pahayag ni Duterte, na nangunguna ngayon sa survey ng mga presidentiable, na kung ang alkalde ay papalaring mahalal bilang susunod na pangulo ay irerekomenda nito sa Kongreso na ibalik ang death penalty.

Iginiit ni Secillano na nagkakamali si Duterte kung ang tingin nito ay ang death penalty ang makapipigil sa kriminalidad sa bansa.

“Hindi mo matutuldukan ang krimen sa pamamagitan ng pagbitay sa mga kriminal. Matutuldukan mo ito kung may epektibong pagpapatupad ng batas, walang tiwaling huwes at mahigpit na pagpapatupad ng batas at regulasyon sa mga piitan,” ayon sa pari.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

“Sa una, aakalain ng iba na ang pagpatay sa mga kriminal ang pinakaepektibong solusyon. Subalit kung sa paniwala ng mga kriminal na kaya nilang bilhin ang kalayaan nila, para saan pa ang death penalty?” tanong ng opisyal ng CBCP.

Aniya, ang pinakaepektibong solusyon laban sa krimen ay ang pagpapatupad ng reporma sa criminal justice system sa bansa.

Sa kanyang panig, sinabi ni retired Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz na nakalulungkot ang mga binitawang pahayag ng isang kandidato sa pagkapangulo.

“Nakalulungkot dahil mayroon pa ring mga ganitong klase ng kandidato ngayong siglo,” ani Cruz. “Nakadidismaya!”

(Leslie Ann G. Aquino)