Walang balak magbitiw si Commissioner Siegfred Mison ng Bureau of Immigration (BI) sa kabila ng paglilimita ng Department of Justice (DoJ) sa kanyang kapangyarihan.

“Hindi totoo ang tsismis. Hindi siya magre-resign,” ayon kay Atty. Elaine Tan, tagapagsalita ng BI.

Ito ay matapos maiulat na nagsumite na ng resignation letter sa Palasyo si Mison bunsod ng kontrobersiyal na direktiba ni Justice Secretary Alfredo Coguioa na naglilipat ng ilang kapangyarihan ng BI commissioner kay BI Associate Commissioner Gilbert Repizo.

Sa ilalim ng Department Order No. 911, itinalaga ni Coguiao si Repizo bilang commissioner-in-charge sa border control na nagbibigay sa huli ng eksklusibong kapangyarihan na pangasiwaan, balasahin, at magtalaga ng mga tauhan ng BI sa iba’t ibang international airport at seaport sa buong bansa.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Binigyan din ng DoJ ng kapangyarihan si Repizo na mag-apruba ng mga exclusion order laban sa mga pinaghihinalaang undesirable alien sa mga port of entry.

Nakasaad din sa direktiba ng DoJ na awtorisado na rin si Associate Commissioner Abdullah Mangatora na pangasiwaan ang security at intelligence function ng BI.

Ipinaliwanag ni Mison na sa labas ng mga nabanggit na responsibilidad nina Repizo at Mangatora, magpapatuloy ang iba pang function ng Office of the Commission tulad ng paglagda sa memoranda at iba pang tungkulin, gaya ng pag-aalis ng mga indibiduwal sa blacklist, watch list at hold-departure order. (Jun Ramirez)