Aabot sa 230 pamilya ang nagsilikas matapos sumiklab ang matinding bakbakan ng magkaaway na grupo sa North Cotabato nitong Linggo ng hapon.
Ayon kay North Cotabato Police Provincial Office Director Senior Supt. Alexander Tagum, dakong 2:50 ng hapon nang mangyari ang labanan sa Barangay Nes, Midsayap, North Cotabato.
Sinabi ni Tagum na tinukoy ng mga residente ang leader ng dalawang grupo na sina Kumander Kulilong at Kumander Mangadta.
Mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Midsayap Police, sa pangunguna ni Supt. Gilbert Tuzon, kasama ang 45th Infantry Battalion ng Philippine Army, Bantay Bayan, Barangay Peacekeeping Action Team, at Police Regional Office (PRO)-12 Public Safety Battalion sa pagbibigay ng seguridad sa mga inosenteng sibilyan na naipit sa bakbakan.
Agad na pinulong ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan si Ustadz Dadting Imam, kilalang miyembro ng council of elders sa lugar, upang mamagitan sa magkaaway na pangkat at humupa ang tensiyon sa lugar.
Away-pamilya ang nakikitang dahilan ng pulisya sa sagupaan ng dalawang grupo. (Fer Taboy)