SA kasaysayan ng buhay ni Kristo matapos na Siya’y isilang sa Bethlehem, nangyari ang isang lagim na ginugunita ng Simbahang Katoliko tuwing ika-28 ng Disyembre. Ang kapistahan ng Niños Inocentes o mga batang walang malay, at itinuturing din na mga martir. Walang katulad na massacre ang pagpatay sa mga sanggol at batang lalaki, edad dalawa pababa; sila’y walang awang pinugutan sa utos ni Haring Herodes. Ang pagpatay sa mga sanggol na lalaki sa Bethlehem ay iniluha at itinangis ng maraming ina. Nag-ugat ito sa galit at takot ni Herodes na mawalan siya ng kapangyarihan matapos mabalitaan na isang bagong Hari ang isinilang.
Sinasabi rin na ang “pagwawala” ni Haring Herodes ay bunga ng ‘di pagtupad sa pangako ng Tatlong Pantas na magbalik sa kanya at magbalita tungkol sa Banal na Sanggol na kanilang dadalawin. Mag-aalay din si Herodes ng regalo at sasamba sa Sanggol, ngunit hindi ito ang hangad niya. Bilang leader noon ng Judea, nakaramdam siya ng insecurity sa sanggol. Siya’y isang tusong pulitiko, at malupit na pinuno na may pananagutan sa pagkamatay ng kanyang asawa, ng kanyang kapatid na lalaki, at ng dalawang asawa ng kapatid niyang babae. Anuman ang dahilan, ang ginawa niya sa mga sanggol sa Bethlehem ay makahayop at mala-demonyo.
Ang walang katulad na massacre na ito ay itinuring ng Simbahan na ispirituwal na tagumpay ng mga batang saksi ni Kristo, dahil sa panibugho at takot ni Herodes na mawalan ng kapangyarihan. Ang mga batang martir ang nagbigay ng patunay sa bagong silang na Mananakop. Hindi sa mga salita kundi sa kanilang mga dugo. Isinumpa ng kasaysayan ang walang katulad na kalupitan ni Haring Herodes sa Niños Inocentes. Siya’y nagkasakit, inuod ang buong katawan at namatay na isinusumpa ng mga ina ng mga sanggol na kanyang pinapugutan.
Bagamat mahigit nang 2,000 taon ang nakalipas, marami ang nagmana ng asal at ugaling-Herodes sa ating makabagong panahon. Halimbawa ng mga makabagong Herodes ang nagpapatay sa may 57 katao sa Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009, kabilang ang 32 journalists. Hanggang ngayon ay walang natatanggap na katarungan. Ang iba pang makabagong Herodes ay ang mga ibinubulid sa prostitusyon ang mga batang babae at lalaki, mga nang-aalipin, nagpapapalimos sa lansangan, at ibinebenta sa mga dayuhan ang mga batang babae na hindi pa man nireregla ay prostitute na.
Higit sa lahat, biktima ng mga makabagong Herodes ang mga batang namamatay dahil sa malnutrisyon na resulta ng kabugukan ng ahensiya ng gobyernong dapat mangalaga sa kanila. Kailan kaya magkakasakit magkakauod ang buong katawan ng mga makabagong Herodes sa ating bayan?
Ang pinakamalalim na kahulugan ng kapistahan ng Niños Inocentes ay isang hamon sa lahat ng pagkakataon. Dapat kalingain at proteksiyunan ang bawat musmos, street children man o unwanted, ng kanilang pamilya, ng simbahan, at ng gobyerno. (CLEMEN BAUTISTA)