Mas paiigtingin pa ng Valenzuela City Police ang kampanya nito laban sa ilegal na paputok habang nalalapit ang pagsalubong sa Bagong Taon.
Ito ang inihayag ni Senior Supt. Audie A. Villacin, hepe ng Valenzuela Police, sa panayam ng Balita.
Ayon kay Villacin, magtatatag sila ng mga checkpoint sa mga posibleng daanan ng mga manggagaling sa Bulacan, na kilalang gawaan ng mga paputok.
Mag-iikot din ang kanyang mga tauhan sa mga tindahan ng paputok sa lungsod upang matiyak na ang mga produkto lamang na ligtas gamitin ang kanilang itinitinda.
Kabilang sa mga ipinagbabawal na paputok ang piccolo, bawang, plapla at rocket.
Payo ng opisyal na mas makabubuti na magsaya na lang at huwag nang magpaputok habang sinasalubong ang Bagong Taon.
Sinabi pa ni Villacin na bawal din ang magsunog ng goma, dahil posible itong pagmulan ng sunog.
“Mas mainam na kumpleto ang ating pangangatawan o walang mapuputulan ng kamay sa pagpasok ng 2016,” pagtatapos ni Villacin. (Orly L. Barcala)