Ni Angie Oredo
Nananatili rin na walang talo ang San Antonio Spurs sa kanilang homecourt.
Umiskor si Kawhi Leonard ng 20-puntos upang tulungan ang San Antonio Spurs na umahon mula sa kabiguan sa pagbigo nito sa Denver Nuggets, 101-86, Sabado ng gabi nanatiling walang talo sa kanilang homecourt sa San Antonio, Texas.
Iniangat din ng San Antonio ang franchise record nito para sa sunod-sunod na panalo sa homecourt sa kabuuang 26, tampok ang record na 17 diretso na pagsisimula ngayong season.
Malamyang nagsimula ang Spurs matapos na manggaling sa 88-84 kabiguan sa Houston Biyernes ng gabi.
Kapwa pinaupo sa bench sina Tim Duncan at Manu Ginobili matapos maglaro ng mahabang oras sa pisikal na laban kontra sa Houston.
Gayunman, ang kawala ng dalawa ay nagpakita sa lalim ng talento ng Spurs matapos ipakita ang kanilang lakas sa isa pang blowout na panalo sa kanilang bahay.
Nag-ambag si LaMarcus Aldridge ng 12-puntos at siyam na rebound habang si Boris Diaw ay may 16- puntos at si Tony Parker ay nagdagdag ng 13- puntos.
Si Boban Marjanovic ay may 10- puntos habang si David West ay nagtala ng 10- puntos at anim na assist matapos na magsimula sa laban kapalit ni Duncan.
Nanguna para sa Denver Nuggets si Nikola Jokic na may 22- puntos. Nagdagdag si Will Barton ng 16- puntos at si Gary Harris na tanging starter na nasa double figures na may 10.
Samantala, nagtamo si Los Angeles Clippers star Blake Griffin ng torn left quad tendon at inaasahang hindi makakalaro sa loob ng dalawang linggo.
Sinabi ng Clippers na nagtamo si Griffin ng injury sa kanilang panalo kontra Lakers noong Biyernes at isinailalim agad sa MRI Sabado kung saan nakita ang pagkakaputol. Hindi na ito nagbiyahe kasama sa koponan papunta sa Utah para sa laban at nakatakda muling suriin sa susunod na dalawang linggo.