“Ang bawat sentimo na ibinayad na buwis ng mga Pinoy sa gobyerno ay pakikinabangan ng mga Pinoy.”

Ito ang pangako ng presidential candidate na si Sen. Grace Poe-Llamanzares sa mga overseas Filipino worker (OFW) na kanyang nakapulong sa Hong Kong sa nakalipas na mga araw.

Binigyang-halaga ni Poe ang kontribusyon ng mga OFW sa pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa at nararapat lamang, aniya, na tumbasan ito ng gobyerno ng tunay na serbisyo sa kanilang hanay.

“Makakaasa kayo na hindi ako magnanakaw at lahat ng kita ng gobyerno, bawat sentimo ay mapupunta sa benepisyo ng ating mga kababayan. Iyan po ang palaki sa atin ng aking tatay na si FPJ,” pahayag ni Poe.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nag-iikot si Poe at anak niyang babae sa business district ng Hong Kong nang madaanan nila ang pagtitipon ng mga Pinoy na inorganisa ng Migrante International.

Inanyayahan ang senadora na magsalita sa entablado at magbigay ng kanyang mensahe sa Pasko para sa mga OFW.

“Salamat sa inyong tulong dahil kung hindi dahil sa OFWs, ang ekonomiya ng Pilipinas ay matagal nang tumiklop,’’ ayon kay Poe.

At dahil nanirahan din nang matagal sa Amerika, sinabi ni Poe na dama niya kung gaano kahirap malayo sa mga minamahal sa buhay upang kumita ng pera.

“Matagal din akong tumira sa ibang bansa, at naiintindihan ko ang inyong kalagayan. Kasama ng Migrante, ang iba nating mga senador na tumatakbo, itutulak namin ang mga makakabuti para sa OFWs—na bumaba ang fees n’yo at ‘yung mga kailangan n’yo, tulad ng health benefits, ay matulungan kayo ng gobyerno,” giit ni Poe.

Ayon sa ulat, ang Hong Kong ang isa sa may pinakamataming overseas absentee voter na makikilahok sa 2016 elections. - Mario Casayuran