BAGAMAT batid nang ang hindi magandang lagay ng kalusugan ay isa sa mga dahilan ng kalungkutan, at ang hindi maayos na pamumuhay ay nagbubunsod ng pagiging iritable, ang pagiging miserable ay hindi naman nakamamatay.
Ito ay ayon sa isang pag-aaral sa United Kingdom.
“We found that after accounting for poor health and other lifestyle choices, being happier doesn’t make you live longer, and being stressed doesn’t increase your risk of death,” sinabi ng pangunahing awtor ng pag-aaral na si Bette Liu, ng University of New South Wales.
Upang matukoy ang kaugnayan ng kalungkutan at posibilidad ng pagkamatay, sinuri ng grupo ni Liu ang mga datos ng mahigit 700,000 babaeng nasa katanghaliang gulang na kinalap sa nakalipas na mahigit isang dekada. Sa simula, kapag ang babae ay nasa edad 59, 17 porsiyento ang nag-ulat na nalulungkot sila at mas malaki ang bilang na ito sa mga babaeng hindi malusog.
Sa sumunod na sampung taon, nasa 31,500 babae ang namatay, na kumakatawan sa apat na porsiyento ng populasyon ng pag-aaral.
Matapos na mag-adjust ang mga mananaliksik sa iba’t ibang bagay na nakaaapekto sa mortality—gaya ng alta-presyon, diabetes, paninigarilyo, madalas na paglalasing, hika, arthritis, depression at pagkabalisa—natuklasan na ang pagiging malungkot ay walang kaugnayan sa pagtaas ng mortality dahil sa iba’t ibang dahilan, o partikular, mula sa cancer o sakit sa puso.
Ang datos ay kinalap mula 1996 hanggang 2001. Nang nakibahagi sila sa pag-aaral, at nagpatuloy kada tatlo hanggang limang taon, kinumpleto ng kababaihan ang mga questionnaire tungkol sa social at demographic factors, pamumuhay nang maayos, at pisikal na kalusugan.
Sa pagsisimula ng pag-aaral, 39 na porsiyento ang nagsabing madalas silang nakakaramdam ng kaligayahan, at 43 porsiyento naman ang inilarawan ang kanilang sarili bilang masayahin. Tinukoy ng mga mananaliksik na “unhappy” ang 16 na porsiyento ng kababaihan na minsan lang masaya, at isang porsiyento sa mga ito ang nagsabing bibihira itong mangyari sa kanya.
Kalaunan, binago ng ilan sa mga babae ang kanilang assessment ng sariling antas ng kanilang kaligayahan, iniulat ng mga mananaliksik sa The Lancet.
Sa kabuuan, ang kababaihang natukoy na masaya sa pag-aaral ay mas matanda, walang karagdagang degree sa pag-aaral, at malaki ang posibilidad na hindi naninigarilyo habang regular na nag-eehersisyo at nasa isang maayos na romantikong relasyon, na karaniwan ding aktibo sa mga aktibidad ng simbahan o grupong relihiyoso. Ang masayang kababaihan din na ito ay madalas na nakakakumpleto ng walong oras na tulog sa magdamag.
Samantala, ang malulungkot na babae ay kadalasang hindi maayos ang kalusugan at ginagamot sa depression o anxiety, ayon sa pag-aaral.
Ang kababaihan ay 20 porsiyentong may posibilidad na mamatay habang ginagawa ang pag-aaral kapag iniulat na hindi maayos ang kalusugan.
Walang perpektong paraan upang masukat ang kaligayahan, ayon sa mga awtor. Gayunman, ang pagiging hindi masaya ay nagbubunsod sa tao na gumawa ng mga bagay na delikadong magpaikli sa kanilang buhay, gaya ng labis o madalas na paglalasing o bibihirang pag-eehersisyo. - Reuters