Pinaalalahanang muli ng isang grupo ng mga pribadong pagamutan ang publiko na mag-ingat sa kanilang kinakain lalo na ngayong nalalapit na ang pagsalubong sa Bagong Taon.

Ang paalala ni Dr. Rustico Jimenez, pangulo ng Private Hospital Association of the Philippines (PHAP), ay kasunod ng pagtaas ng 10 porsiyento ng bilang ng mga isinusugod sa mga pagamutan dahil sa high blood, stroke, at atake sa puso nitong Pasko.

Naniniwala si Jimenez na ito’y sanhi ng mga kinain ng mga pasyente sa pagdiriwang ng Pasko.

Ayon kay Jimenez, delikado sa kalusugan ang labis na pagkonsumo ng matatabang pagkain, dahil nauuwi ito sa pagbabara ng mga ugat, na nagdudulot naman ng stroke o heart attack.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Payo ni Jimenez, upang maagapan ang mga ganitong uri ng sakit ay dapat na may moderasyon sa pagkain.

Kung kumain, aniya, ng lechon ay dapat na may kasama itong gulay at prutas.

Sinabi pa ni Jimenez na dapat ding umiwas sa maaalat at matatamis na pagkain na nagdudulot din ng karamdaman.

Binalaan din naman ni Jimenez ang publiko laban sa mga tira-tirang pagkain upang makaiwas sa food poisoning.

Sa Pilipinas, maraming Pinoy ang higit na naghahanda ng masasarap na pagkain sa pagsalubong ng Bagong Taon, kumpara sa araw ng Pasko, sa paniwalang dapat ay maraming pagkain sa mesa sa unang araw ng taon upang maging masagana ang darating na taon. (Mary Ann Santiago)