ANG kaso ng isang overseas Filipino worker (OFW) na nagtatrabaho bilang kasambahay sa Singapore at tumakas mula sa bahay ng kanyang amo makalipas ang mahigit dalawang taong halos hindi pagpapakain at hindi pagpapasuweldo sa kanya ay nagbunsod upang manawagan si Sen. Miriam Defensor Santiago sa pagtatatag ng isang task force na tututok sa mga kaso ng pang-aabuso sa mga OFW na gaya nito.
Ang OFW mula sa Singapore, si Thelma Gawidan, ay pinakakain lamang ng noodles at tinapay ng kanyang mga amo, kaya naman nabawasan ang kanyang timbang mula sa 49 kilos at nasa 29 kilos na lamang siya makalipas ang dalawang taon. Maaaring hindi masasabing isolated ang kanyang kaso, ayon kay Senator Defensor, na nanawagang aksiyunan ng Senado ang usapin upang matulungan ang mga OFW na biktima ng makabagong pang-aalipin.
Madalas na nababalita ang mga OFW sa nakalipas na mga buwan. Noong nakaraang buwan, isang OFW mula sa Ilocos Norte na pabalik na sa kanyang pinagtatrabahuhan sa Hong Kong ang pinigil sa Ninoy Aquino International Airport, nabiktima siya ng kilabot na”tanim bala” racket. Pasimpleng naglalagay ng bala ang tinatawag na “corrupt opportunists” sa mga bagahe ng mga paalis na pasahero, karamihan sa kanila ay OFWs, at pagkatapos ay oobligahin silang magbayad ng hanggang P30,000 upang hindi na sampahan ng kaso.
Bago ito, nagreklamo ang mga OFW tungkol sa pagbubukas umano ng mga taga-Customs sa kanilang mga balikbayan box para mabuwisan ang mga bagay na ipinadadala nila sa kanilang mga pamilya. Kadalasan, himutok nila, ang ilan sa mga gamit, gaya ng mga de-latang pagkain, ay nawawala sa pag-iinspeksiyon.
Karapat-dapat ang mga OFW ng bansa—na tinaguriang mga bagong bayani ng bansa dahil sa kanilang mga remittance na nagpapasigla sa ekonomiya ng Pilipinas—sa mas maayos na trato. Sa kasalukuyan, milyun-milyon sa kanila ang nasa iba’t ibang panig ng mundo. Noong nakaraang taon, nagpadala sila ng $26.92 billion hanggang P1.2 trillion.
Ang mga OFW na gaya ni Gawidan ay hindi karaniwan, ngunit ang mga nahaharap sa mga problema ay dapat na tulungan ng gobyerno, ayon kay Senator Defensor. Ang ilan ay nasasangkot sa mararahas na alitan sa ibang manggagawa at nakukulong. Ang iba naman ay nabibiktima ng mga organisadong grupo ng mga kriminal, gaya ng isang Pilipina na nasa death row ngayon sa Indonesia matapos na makumpiskahan ng ilegal na droga ang kanyang bagahe.
Ang multi-agency task force na panukala ni Senator Defensor ang tututok sa mga kasong idudulog dito ng mga OFW sa iba’t ibang panig ng mundo, kinasasangkutan man ito ng mga mapang-abusong amo, paglabag sa batas laban sa ilegal na droga, mga aksidente o mararahas na insidente, o kahit ang OFW na matagal nang walang komunikasyon sa kanyang pamilya.
Ang katotohanan, ayon kay Senator Defensor, maraming Pilipino ang naghahanap ng trabaho sa ibang bansa dahil hindi sapat ang mga hanapbuhay dito. Ngunit ito ay isa pang problema na kinakailangan ng mas malawakang solusyon. Sa ngayon, ayon sa senadora, dapat na tutukan ng gobyerno ang mga problema ng mga OFW, gaya ng kinahaharap ni Gawidan sa Singapore. Ang pagtatatag ng isang partikular na sangay ng gobyerno na reresolba sa mga problema ng mga OFW ay makatutulong nang malaki sa ating mga bagong bayani.