Bunsod ng lumitaw sa estadistika na nakapagtatala ng isang kaso ng panggagahasa, kabilang ang sa kabataan, sa kada 53 minuto, kumilos ang anak na babae ni dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada upang magtayo ng isang organisasyon na kakalinga ng mga biktima ng ganitong uri ng krimen.

Itinatag ni Jerika Ejercito, anak ni Mayor Estrada, ang Institute for Life and Actions of Women (ILAW) matapos siyang magulantang sa mga kuwento ng child rape at marital rape sa bansa na karaniwang nauuwi sa matinding trauma sa mga biktima.

Namulat ang mga mata ni Ejercito sa matinding dinanas ng mga biktima ng panggagahasa sa pamamagitan ng Be Healed Foundation, na itinatag niya apat na taon na ang nakararaan upang tumulong sa mga biktima na makayanan ang trauma.

Sinabi ni Ejercito na siya mismo ay nakaranas ng matinding depresyon nang patalsikin ang kanyang ama sa Malacañang at kasuhan ng pandarambong, dahilan upang umiwas siya sa pulitika.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Subalit matapos isilang ang kanyang anak nitong nakaraang taon, ikinuwento ng nakababatang Ejercito na nalagpasan na niya ang panahon ng pagdadalamhati at nakatutok siya ngayon sa pagtulong sa kanyang ama, lalo na sa pagbibigay ayuda sa mga inabusong babae at kabataan sa Maynila.

“Nagsimula kami sa pagtulong sa pag-ahon sa kababaihan sa matinding kalungkutan. Subalit na-realize namin na mas malaki pa ang problema sa inaasahan namin. Ito ay mga karima-rimarim na kaso ng karahasan at pang-aabuso sa kababaihan kaya marami sa kanila ang nakararanas ng matinding depresyon na minsan ay natutuloy sa pagpapatiwakal,” dagdag ni Jerika.

Kabilang sa kanilang proyekto ang pagsasanay sa mga parent-leader at lokal na opisyal na makibahagi sa programa ng ILAW sa Marso, kasabay ng paggunita sa International Women’s Month.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Ejercito na mula 2000 hanggang 2014, umabot sa 794 na babae ang biktima ng panggagahasa. Pito sa kada 10 biktima ay kabataan at karamihan ay maralita. (Jenny F. Manongdo)