Ni Alexander D. Lopez

Sakaling palaring maluklok sa Malacañang sa 2016, nais ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na magkaroon ng karagdagang 30 korte na lilitis sa mga kasong kriminal upang mabilis na masentensiyahan ang mga lumalabag sa batas, partikular ang mga drug trafficker.

Sa kanyang unang tatlo hanggang anim na buwang panunungkulan bilang pangulo ng bansa, sinabi ni Duterte na hihilingin niya sa Kongreso na aprubahan ang pagtatatag ng 30 karagdagang korte na maglilitis sa mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga at bitayin ang mga drug trafficker sa harap ng publiko.

“Hindi ako mag-aatubiling pakilusin ang Army at pulisya at gumamit ng extra power bilang presidente upang matuldukan ang problema sa ilegal na droga, na kinokonsidera na ngayong banta sa seguridad ng bansa,” pahayag ng alkalde sa kanyang programa sa telebisyon na “Gikan sa Masa, para sa Masa.”

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Sinabi rin ng alkalde na plano rin niyang amiyendahan ang RA 9344, na mas kilala bilang “Pangilinan Law”, na nagbabawal sa pagkulong sa mga menor de edad na nasasangkot sa krimen.

Ayon kay Duterte, lumikha lamang ng mga karagdagang kriminal ang RA 9344 o Juvenile Justice Welfare Act dahil hindi naparurusahan ang mga menor de edad na nasasangkot sa krimen.

Samantala, sinabi ni Duterte na walang dapat ikatuwa kahit naungusan na niya si Liberal Party standard bearer Mar Roxas sa huling survey ng Social Weather Station (SWS) at Pulse Asia.

Pangalawa lamang ang pambato ni Pangulong Aquino sa naturang mga survey, kasunod nina Sen. Grace Poe at Vice President Jejomar C. Binay.

“Wala akong pakialam,” ani Duterte hinggil sa resulta ng survey ng mga presidentiable sa 2016 elections. “Marami pa akong pangakong dapat tuparin at milya-milyang tatahakin bago ako matulog.”