Bento sa Pasko at Bagong Taon.
KUNG ang hanap mo ay kakaibang regalo at mainam na pang-Noche Buena o pang-Media Noche ng inyong pamilya, sa Bento ay tiyak masisiyahan ang bawat isa.
Sa Pangasinan, itinampok ng SM Rosales na maging bahagi ng kanilang aktibidad sa Pasko ang Bento making contest na nilahukan naman ng mga estudyante ng kolehiyo, ina at magkapatid noong Nobyembre 28.
Nag-ugat ang nasabing bento making contest nang makitaan ng creativity ang mga kalahok sa ginanap na Food Nutrition Month sa SM Rosales.
Ayon kay Rocel Galle, PR officer ng SM Rosales, naisipan nilang gawing bahagi ng aktibidad sa Pasko ang bento making contest.
Aniya, bukod sa mura ang gastusin ay masustansiya rin itong pagkain at nakahihikayat sa mga tsikiting na kumain.
Mainam din itong pangregalo, pang-Noche Buena sa Pasko at pang-Media Noche sa Bagong Taon.
“With a simple arrangement of different kinds of food on a compartmentalized lunch box and adding some aesthetic values to it bento is created delighting the young and adults,” pahayag ni Rocel. “In Japan bento is known to be the window of Japanese culture,” dagdag pa niya.
Una nang nagsagawa ng bento making contest ang SM Rosales noong 2014 at pangalawang taon na ito, at sinundan na rin ng ibang SM Luzon branches.
Sa ginanap na preliminary round sa SM Rosales, ang entry number one na gawa ni Ivindell Alegria, isang nanay ang 3rd place, 2nd place naman ang entry number 15 na gawa ng guro sa University of Pangasinan na si Francisco Villanueva, at ang 1st place ay ang entry number 14 na gawa ni Debbee Villanueva, baker at estudyante ng Colegio de Dagupan.
Magkapatid ang nanalo at ang 2nd placer.
Ang iba pang kalahok na mga estudyante ng University of Luzon at masigasig ding ipinakita ang kakayahan sa paggawa ng bento ay tumanggap ng consolation prize.
Ang isa sa tatlong nanalo sa preliminary round ang nakapasok na finalist na ginanap naman sa SM City Pampanga noong Disyembre 13. (LIEZLE BASA IÑIGO)