ISASAMPA ngayon ni Sen. Grace Poe sa Korte Suprema ang petisyong certiorari with prayer for temporary restraining order (TRO). Aapela siya para baligtarin ang desisyon ng Comelec en banc na nagdi-disqualify sa kanya bilang kandidato sa pagkapangulo. Higit sa lahat, pinapipigil niya ang pagpapairal sa kautusan na kanselahin ang kanyang certificate of candidacy (CoC). Mahalagang makakuha siya ng TRO upang manatili siyang nasa listahan ng mga kumakandidato sa panguluhan. Kapag nabigo siya, sa pag-iimprenta sa balota sa ikatlong linggo ng Enero 2016 ay hindi na isasama ang kanyang pangalan.
Isang isyu ang disqualification ng senadora, iba naman ang cancellation ng kanyang CoC. Puwedeng kanselahin ang kanyang CoC kahit pinag-uusapan pa sa Korte Suprema ang kanyang disqualification. Kahit manalo siya sa kanyang kasong disqualification at pagpasyahan ng Korte na siya ay kuwalipikadong tumakbo, pero kung kinansela na ang kanyang CoC, mahihirapan na rin siyang manalo. Kasi, wala nga ang pangalan niya sa mga balotong inilabas ng Comelec.
Eh, ang mga ito ang ginagamit sa pagboto, at siyang isusubo sa makina para mabilang ang mga boto.
Ang mayorya sa Comelec ang nagpasya na hindi lamang disqualified ang senadora kundi gumawa pa siya ng material misrepresentation sa kanyang CoC. Nagsinungaling daw siya nang isulat niya sa kanyang CoC na kuwalipikado siya dahil siya ay natural born citizen at mahigit sampung taon siyang residente ng bansa. Ang chairman ng Comelec ay kumontra at sumang-ayon sa kapasyahang ito ng Comelec. Ang pagkakamali raw ng senadora sa kanyang CoC ay hindi sinadya.
Honest mistake, aniya. Kahit sino ay puwedeng magkamali dahil sangkot sa mga isyu ang mahirap na interpretasyon ng batas na ang Korte Suprema ang makareresolba. Kaya, hindi niya pinakakansela ang CoC ng senadora. Pero, sumasang-ayon siya sa desisyon ng mayorya na disqualified ang senadora.
Tama lamang na mag-isyu ng TRO ang Korte Suprema habang dinidinig nito ang kanyang disqualification case. Madaliang desisyunan ito upang kahit pabor o laban sa kanya ay nasa loob ito ng panahon na hindi pa iniimprenta ng Comelec ang mga balota. Makatarungan ito, hindi lamang sa kanya kundi sa taumbayan. (RIC VALMONTE)