Sa halip na paputok ang gamitin sa pagsalubong sa Bagong Taon, hinikayat ng Muntinlupa City Police ang mga residente ng siyudad na magpatugtog na lang nang malakas na musika, magbatingting ng kaldero, paulit-ulit na bumusina, o makisaya sa mga street party.
Ito ang panawagan ni Muntinlupa City Police chief Senior Supt. Nicolas Salvador kasunod ng pagpapaalala ng pamahalaang lungsod sa mga residente tungkol sa istriktong pagpapatupad ng city-wide total ban sa paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Tiniyak ni Salvador ang mahigpit na ipatutupad ang ordinansa laban sa mga paputok kaya nagbukas na ng random checkpoint ang pulisya upang siguruhing tatalima ang mga residente.
Ayon kay Salvador, ang mga checkpoint ay mamanduhan ng mga tauhan ng Peace and Order Council, katuwang ang mga pulis.
Taong 2011 nang sinimulang ipatupad ang pagbabawal sa paputok sa Muntinlupa subalit naging opisyal lang ito noong 2014, makaraang aprubahan ang City Ordinance No. 14-092.
Base sa ordinansa,ang mga mahuhuling gumagamit ng pailaw at paputok ay pagmumultahin ng P1,000 hanggang P5,000, o ikukulong ng hanggang anim na buwan. (Bella Gamotea)