Isang sastre ang nagbigti gamit ang kanyang sinturon sa loob ng Central Market sa Sta. Cruz, Manila nitong Pasko matapos siya umanong iwan ng kanyang misis.
Kinilala ni PO3 Alonzo Layugan, ng Manila Police District-Homicide Section, ang biktimang si Al Santiago, 46, ng 1786 Franco Street, sa Tondo, Manila.
Ayon kay Layugan, ang bangkay ni Santiago ay natagpuan ng stall owner na si Salvador Lazo, habang nakatayo sa loob ng shop nito sa stall 655-56, Pasilio 11 ng Central Market, dakong 8:10 ng gabi nitong Biyernes.
Nilapitan umano ni Lazo ang biktima ngunit nabigla nang makitang may nakapulupot na sinturon sa leeg nito.
Kaagad na humingi ng tulong sa mga kasamahan si Lazo para madala sana sa ospital ang biktima, ngunit patay na ito nang dumating sa pasilidad.
Batay naman sa impormasyon na nakuha ng pulisya, sinasabing nag-away ang biktima at ang misis nito nang ibenta ng una ang makina na ginagamit nila sa hanapbuhay na nagbunsod para umalis ang ginang sa kanilang bahay.
Huli umanong nakitang buhay ang biktima habang umiinom ng beer dakong 4:00 ng hapon.
“Ibinenta daw ‘yong makinang ginagamit sa pananahi ng halagang P15,000, nagalit ‘yong asawa, nilayasan siya,” kuwento ni Layugan. (Mary Ann Santiago)