Binatikos ng administrasyong Aquino ang walang-awang pamamaslang sa siyam na inosenteng sibilyan ng umano’y mga tauhan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Central Mindanao.

Sa isang pahayag, sinabi ni Philippine government peace panel negotiator Miriam Coronel Ferrer na dapat nang tigilan ng BIFF ang karahasan at sa halip ay bigyang puwang ang kapayapaan sa kanilang hanay.

“We ask the leaders of the BIFF to reconsider their violent ways and take heed of the people’s desire for peace and normalcy in their lives,” pahayag ni Ferrer.

Nakidalamhati rin ang opisyal sa naulilang pamilya ng mga napatay na sibilyan.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

“We commiserate with the families of the nine civilians who were summarily executed by the BIFF in separate incidents over the last few days,” ayon kay Ferrer.

Nitong mga nakaraang araw, nagsagawa ng sunud-sunod na pag-atake ang umano’y mga puwersa ng BIFF sa Maguindanao, Sultan Kudarat at North Cotabato, kabilang ang pagpapakawala ng granada sa isang kapilya at sa isang Army detachment.

Itinuro rin ng awtoridad ang BIFF na nasa likod ng pagdukot sa limang residente na kanilang tinangay sa kanilang pagtakas at pagtatanim ng mga improvised explosive device (IED) sa kalsada.

Suspetsa ni Ferrer, ang sunud-sunod na karahasan na kinasangkutan ng BIFF ay bahagi ng planong destabilisasyon sa ilang lugar sa rehiyon upang makakuha ng atensiyon ng publiko ang kanilang grupo na inilarawan ng peace negotiator na “nalalaos na.”

Nananalangin din ang peace panel chairperson na mananatiling ligtas ang mga sundalo at sibilyan mula sa mga susunod na pag-atake ng BIFF.

Ang BIFF ay isang breakaway group ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na isinasangkot sa mga kasong kriminal tulad ng robbery, kidnapping at murder sa ilang lugar sa Mindanao. (MADEL SABATER NAMIT)