PILA-BALDE talaga tuwing unang araw ng pagpapalabas ng mga pelikulang kasali sa Metro Manila Film Festival. Tulad ng inaasahan namin, paikot na naman ang pila sa Gateway Cinema nang pumunta kami ng bandang alas dose ng tanghali nitong Pasko para bumili sana ng tickets, pero alam na naming mauubusan na naman kami tulad noong mga nakaraang taon kaya agad kaming lumipat ng Alimall na alam naming mas kaunti ang tao.
Pero mali kami dahil mahaba na rin ang pila sa Alimall at ang nakuha na naming ticket para sa Beauty and The Bestie ay pang-5 PM screening na gayong pasado alas dose pa lang.
Puro bagets kasi ang kasama namin, Bossing DMB kaya hindi ang All You Need is Pag-ibig ang una naming pinanood, bukod pa sa nag-sold out na ang 1:30 PM screening. Plano sana naming isunod na lang ito pagkatapos manood ng pelikula nina Vice Ganda at Coco Martin, pero paglabas namin ng sinehan ay sobrang haba na ng pila at iilan na lang ang bakanteng upuan sa pelikula nina Kris Aquino at Derek Ramsay.
In fairness, full pack din ang Haunted Mansion na palabas din sa Alimall at may ilan din sa Honor Thy Father.
Hindi palabas ang My Bebe Love sa Alimall kaya hindi namin na-witness ang mga taong pumapasok, pero sa Gateway ay dagsa ang tao.
Anyway, nakakuha kami ng ranking sa walong pelikulang kasama sa Metro Manila Film Festival 2015 minus the figures dahil ayaw munang magbigay ang kausap namin.
Nanguna ang pelikula nina Vic Sotto at Ai Ai de Las Alas na My Bebe Love at pawang bata ang kasama ng magulang na nanood.
Ikalawa naman ang Beauty and The Bestie nina Vice Ganda at Coco na magkahalong bata, matanda at teenagers naman ang nasa loob ng sinehan.
Pumangatlo ang Haunted Mansion nina Janella Salvador, Marlo Mortel at Jerome Ponce na teenagers at couple naman ang nakita naming lumabas ng sinehan.
Ikaapat ang All You Need is Pag-ibig nina Kris at Derek kasama sina Kim Chiu at Xian Lim plus Ian Veneracion at Jodi Sta. Maria na mga mag-asawa, matured women at dalaga. Sa madaling salita, mas maraming babae ang nanood sa hugot movie ni Direk Antoinette Jadaone.
Panglima ang #Walang Forever nina Jericho Rosales at Jennylyn Mercado na puro teenagers at young couple ang nakita naming lumabas sa sinehan at namumugto ang mga mata, ha-ha-ha.
Nasa ikaanim na puwesto ang Buy Now, Die Later at mga bagets din ang nakita naming lumabas sa sinehan at may mangilan-ngilang mag-asawa.
Pangpito ang Honor Thy Father na matured men and women ang karamihang nanood at iilan ang teenagers.
Ikawalo at huling puwesto ang Nilalang na bilang lang ang lumabas ng sinehan at karamihan ay lalaki ang nanood.
May psychic ability ba si Kris Aquino, Bossing DMB dahil nahulaan talaga niya na hindi ang pelikula nila ni Vice Ganda ang mangna-number one sa unang araw ng MMFF?
Pero base sa nakita naming reaksiyon ng tao at sa ranking sa unang araw ay posibleng mag-number 3 o mananatili sa number 4 ang All You Need is Pag-Ibig.
Mas magkakaalaman sa ranking pagkatapos ng awards night ngayong gabi na gaganapin sa Kia Theater. Kung anong pelikula ang may pinakamaraming tropeong iuuwi, tiyak na papasukin ng tao at nakasisiguro na kami na mababago ang puwesto ng Honor Thy Father nina John Lloyd Cruz at Meryll Soriano at #Walang Forever nina Jericho Rosales at Jennylyn Mercado.
Samantala, nagtanong kami sa kakilala namin sa Star Cinema kung may official statement silang ilalabas tungkol sa akusasyon ng ticket swapping ng pelikulang My Bebe Love at Beauty and The Bestie. Hindi kami sinagot ng taga-Star Cinema dahil siguro wala naman silang kinalaman sa isyung ito.
Inako naman ng SM Cinema management ang pagkakamali nila dahil sa high volume of tickets purchased at nangako sila na mabibilang daw ng tama ang mga ticket na binili ng mga nanood ng My Bebe Love. (REGGEE BONOAN)