NOONG 2013, sa kanyang unang talumpati para sa Pasko sa harap ng mga pinuno ng mga tanggapan ng Vatican na bumubuo sa Curia sa Rome, tinukoy ni Pope Francis ang mga katangiang dapat nilang taglay, at binanggit na huwaran si San Jose, dahil sa tahimik nitong propesyunalismo at diwa ng mapagpakumbabang serbisyo.
Makalipas ang isang taon, sa kanyang talumpati para sa Pasko sa Curia noong 2014, nagsalaysay ang Papa tungkol sa mga sakit na natuklasan niya sa paglilingkod ng Curia, kabilang ang kawalan ng malasakit sa kapwa tao at katigasan ng loob, paglikha ng pader para sa kanilang sarili sa paraang maitutulad sa ispirituwal na Alzheimer’s, pagiging mayabang at labis na paghahangad sa mga titulo, parangal at pagkilala, pagsasagawa ng “terrorism of gossip”, pagiging malayo sa isa’t isa, at pagkakaroon ng mukhang gaya ng sa isang makikipaglibing.
Ngayong taon, sa kanyang talumpati sa Curia para sa Pasko 2015, inisa-isa ni Pope Francis ang mga kaugaliang ispirituwal na inirerekomenda niya laban sa mga karamdaman ng Curia na tinukoy niya noong nakaraang taon. Kabilang sa listahang ito ng mabubuting katangian ang: Magsikap sa paglilingkod at huwag umasa sa mga koneksiyon at suhol. Iwasan ang mga eskandalo na makasisira sa kaluluwa at makaaapekto sa kredibilidad ng Simbahan. Bigkasin ang katotohanan nang may kalakip na kawanggawa. Maging mapagpakumbaba at magpakita ng respeto sa lahat ng tao. Tumupad sa anumang ipinangako.
Ang Roman Curia ang sentrong pamahalaan ng Simbahang Katoliko na tumutulong sa Papa sa pangangasiwa rito. Sa nakalipas na mga buwan, nagpatupad si Pope Francis ng mga reporma sa mga operasyon ng ilan nitong tanggapan, partikular na ang Vatican Bank. Sinasabing namamayagpag sa Curia ang mga konserbatibong elemento na ilang beses nang naging taliwas sa hindi pangkaraniwang mga hakbangin ni Pope Francis. Sa katatapos na Synod of Bishops on the Family, naging hadlang ang mga konserbatibong pananaw ng Simbahan sa anumang pagsisikap na gawing mas bukas-palad ang Simbahan sa mga homosexual at sa mga nadiborsiyo at muling nag-asawa na Katoliko.
Ang mensaheng Pamasko ni Pope Francis sa Curia ngayong taon ay inilalarawan bilang mas nakapanghihikayat kumpara sa mensahe niya noong nakaraang taon, na bumatikos sa maraming gawain at ugali ng mga opisyal ng Vatican. Sa kabila nito, malinaw sa huling mensahe ng Papa na nananatili ang mga suliranin kaya magpapatuloy ang kanyang mga pagsisikap para sa reporma.