Ipinatupad na kahapon ang pamunuan ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ang bagong sistema para sa mga dalaw ng inmate bilang bahagi ng paghihigpit sa seguridad kasunod ng mga ikinasang “Oplan Galugad” kontra sa mga kontrabando sa loob ng pasilidad.
Ayon kay NBP Chief NBP Superintendent Richard Schwarzkopf, kailangang magpalitrato o magpakuha ng larawan kasama ang ibang profile sa loob ng NBP ng mga dalaw na diretso naman sa data base system ng NBP.
Layunin nitong matukoy ang mga lehitimong dalaw at ang mga gumagamit ng ibang pangalan para lang makapasok sa pambansang piitan upang madalaw ang kanilang kaanak na inmates doon.
Sinabi ng opisyal, dapat na magdala ng government issued IDs ang mga dalaw na sasailalim sa bagong sistema habang maaaring mag-email ng profile at larawan sa bucor.gov.ph o nbp.gov.ph o mag-fax sa 8098588.
Ang dalaw na wala sa listahan sa data base ng NBP ay pinapayuhang sumulat muna sa pamunuan ng NBP para mabigyan ng clearance o permit bago bumisita sa kaanak na inmates.
Ang regular na dalaw sa NBP ay mula 8:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon ng Lunes hanggang Linggo, at mahigpit na ipinagbabawal sa mga bibisita ang pagdadala ng construction materials at matutulis na bagay.
Sa tala ng Bureau of Corrections, simula Lunes hanggang Biyernes ay aabot sa 1,500 dalaw ang bumibisita sa NBP habang mahigit 2,000 naman tuwing weekends (Sabado at Linggo). (Bella Gamotea)