MAY isang nakaaaliw na kuwento tungkol sa isang balikbayan na inimbita ang dalawa niyang kaibigan sa kanyang hotel room sa Makati para sa isang reunion. Nang papasok na sila sa elevator, nagkaroon ng brownout, kaya napilitan silang gumamit ng hagdan.
Ngunit napakahaba ang pag-akyat, nasa 35th floor ang silid ng balikbayan! Upang libangin ang kanilang mga sarili, nagpasya silang magsalitan ng pagkukuwento sa isa’t isa tungkol sa pinakamasayang karanasan nila sa buhay, na susundan naman ng pinakamalungkot na bahagi ng kanilang buhay. Nang nangalahati na sila sa pag-akyat sa hotel building, natapos na nila ang pagkukuwento ng pinakamasasaya nilang karanasan.
Ikinuwento naman nila sa isa’t isa ang pinakamalulungkot na kabanata ng kani-kanilang buhay. Nang marating nila ang 34th floor at kapwa hinihingal na, pagkakataon na ng balikbayan para ikuwento ang malungkot na bahagi ng kanyang buhay.
“Nahihiya ako,” sabi niya na mukhang nag-aalala. “Huwag na lang, baka magalit kayo.”
“Hindi, ‘di kami magagalit,” sabi ng dalawa. “Bakit naman kami magagalit?!”
“Okay,” aniya. “Nakalimutan ko ang susi ng kuwarto sa counter sa baba!”
***
Muli tayong nagdiriwang ng Pasko. At ang SUSI sa lahat ng ating pagdiriwang ay si Hesus na Tagapagligtas. Magiging malungkot ang Pasko kung nakalimutan natin ang susi sa kahulugan ng tunay nating pagdiriwang.
Marami sa atin ang may magkakaibang pananaw tungkol sa selebrasyon ng Pasko ngayong taon. Sinasabi ng iba, “Hindi masaya ang Pasko dahil kakaunti lang ang nagregalo sa akin.” Para naman sa mga sinalanta ng mga bagyong ‘Nona’ at ‘Onyok’, miserable ang Pasko.
Totoong mas masaya sana ang Pasko kung walang problema. Ngunit ang Pasko ngayong taon—at bawat taon—ay laging magiging maligaya. At ang dahilan ay nakatutuwang realidad na dumating sa ating mundo si Kristo.
***
SI SANTA CLAUS May apat na bahagi ang buhay ng isang lalaki. Una, kapag naniniwala siya kay Sta. Claus. Ikalawa, kapag hindi na siya naniniwalang may Sta. Claus. Pangatlo, kapag siya na mismo si Sta. Claus. Pang-apat, kapag kamukha na niya si Sta. Claus.
***
TUMULONG Tulungan natin ang mahihirap na seminarista na sinusuportahan namin sa “Adopt a Seminarian” educational program. Kung wala ang mga seminarista, wala tayong mga pari, obispo, at Papa.
Maaari kayong magbigay ng tulong pinansiyal o mag-sponsor ng isang taong pag-aaral. Para sa mga katanungan, mag-email sa akin sa [email protected] o tumawag sa (02)726-5002. (Fr. Bel San Luis, SVD)