Hindi man literal ng magpapatayan ngunit tiyak na matinding dikdikan ang matutunghayan sa pagitan ng crowd favorite Barangay Ginebra at Globalport sa pagtutuos nila ngayong hapon upang pag-agawan ang ikatlong semifinals berth ng 2016 PBA Philippine Cup sa MOA Arena sa Pasay City.

Ganap na 5:00 ng hapon ang naitakdang pagtatapat ng Kings at Batang Pier para sa knockout match nila ng second phase ng playoff round kung saan ang mananalo ay makasasagupa ng second seed at defending champion San Miguel Beer sa isang best of 7 semifinal series.

Tinalo ng Batang Pier ang Barako Bull, 94-85, habang inungusan ng Kings ang Star Hotshots, 92-89, sa Christmas Manila Classico na umabot ng overtime period.

Determinasyon, ang sinasabi ni Globalport coach Pido Jarencio na naghatid sa kanila sa tagumpay at ito rin ang kanilang sasandigan para sa tangkang makaabot ng semifinal round.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Wala namang madali kahit pa yung Star ang pumasok. Mas mahirap nga lang ‘yung Ginebra kasi alam naman natin na kalaban mo pati ang crowd,” ani Jarencio na huling naglaro para sa Kings bago nagsimula ng kanyang coaching career.

Para naman kay bagong Kings coach Tim Cone na nag-asam ng una niyang semifinals appearance bilang head coach ng koponan, naniniwala siyang ang nasumpungang pagbabalik ng tatak na “Never Say Die” ng Kings at matinding suporta ng mga tagahanga ay muling magkakaroon ng malaking papel sa pagsabak nila sa knockout phase ng quarterfinals.

“I’m pretty sure the fans will be there again and this will surely inspire the players once more to play their hearts out,” pahayag ni Cone.

Muli, sasandig si Jarencio sa lideratong ipinapakita ng kanyang mga guard partikular sina Terrence Romeo, Stanley Pringle at Joseph Yeo habang makakasukatan naman nila ng husay at diskarte ang mga Kings counterpart sa pangunguna ng Christmas Classico hero na si LA Tenorio, ang impresibong rookie na si Scottie Thompson at beteranong si Mark Caguioa. (MARIVIC AWITAN)