Janet Jackson copy

NEW YORK, United States — Inihayag ni Janet Jackson na pansamantalang matitigil ang kanyang global tour dahil kinakailangan niyang maoperahan sa kondisyong hindi naman niya tinukoy, na nagpatindi ng pangamba tungkol sa kalusugan ng pop superstar.

Naglunsad ng global tour sa kanyang pagbabalik makaraan ang ilang taon ng hiatus, sinabi ni Janet, 49, nitong Huwebes na sinabihan siya ng kanyang mga doktor na kailangan na niyang maoperahan “soon”.

“It breaks my heart to tell you that I am forced to postpone the Unbreakable Tour until the spring,” pahayag niya sa Twitter.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“Please pray for me, my family and our entire company during this difficult time,” sabi pa ni Janet, idinagdag na hindi na siyang magbibigay ng anumang detalye tungkol sa kondisyon ng kanyang kalusugan.

Ipagpapatuloy sana ni Janet ang kanyang tour sa Enero 9 sa Denver, at may petsa na rin ang kanyang mga pagtatanghal sa United States, Canada at Europe hanggang sa huling bahagi ng Hunyo 2016.

Hindi siya nagbigay ng eksaktong petsa ng pagpapatuloy ng kanyang tour ngunit nangakong ire-reschedule niya ang lahat ng pagtatanghal niya na nakabenta na ng mga ticket.

Agosto 31 nang simulan ni Janet ang kanyang tour sa Vancouver, at nagtanghal na rin sa North America at Japan noong nakaraang buwan.

Una na niyang ipinagpaliban ang ilang pagtatanghal niya sa Amerika upang mapangalagaan ang kanyang boses.

Oktubre ngayong taon nang i-release ni Janet ang album niyang Unbreakable, ang una niyang album simula nang pumanaw ang kapatid niyang si Michael Jackson noong 2009.

Kasunod ng biglaang pagkamatay ng “King of Pop” hindi na lumabas sa publiko si Janet, bagamat bumalik siya para sa isang global tour noong 2011.