Maaaring mauwi sa pagkakakulong ang harassment o pang-aapi sa matatanda sa lungsod ng Maynila matapos aprubahan ng city councilors ang isang ordinansa laban sa pang-aaabuso sa senior citizens.

Batay sa ordinansa, ang sinumang magmamaltrato, pisikal man o verbal o manliligalig sa kanilang emosyon o pag-iisip o pupuwersa sa kanilang magtrabaho nang higit sa kanilang kakayahan ay pagmumultahin ng P5,000 o makukulong ng isang taon, depende sa pagpapasya ng korte.

Sinabi ng mga may-akda, sina Councilors Edward VP Maceda, John Marvin C. Nieto, Rolan Valeriano at Cristina A. Isip na, “the welfare of our senior citizens, particularly the protection of their rights as pillars of society, must be given utmost priority to enhance their development and to show our gratitude for their indispensable contributions to the development of society.”

Sakop ng ordinansa ang mga residenteng may edad 60 pataas at ang pang-aabuso ay kinabibilangan ng physical, mental, material maltreatment, kabilang na ang pagkakait ng pagkain o gamot, pananakit, at paghihiwalay.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Exploitation shall meant the unlawful obtaining of financial or other material benefit from the elderly while neglect means the omission of proper attention, supervision, or provision of necessities to an elderly person,” saad sa ordinansa.

Parurusahan din ang isang miyembro ng pamilya na magpapabaya o tatangging magbigay ng atensyon o supervision sa isang senior citizen, na kinabibilangan ng pagkakaloob ng basic necessities gaya ng pagkain at tubig.

Ang Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) ang inatasang magdisenyo at mamahala sa programa para sa matatanda.

Maaaring magreklamo ang mismong senior citizens o isang tagabantay, tagapangalaga, kamag-anak, social worker, barangay chairman o tatlong concerned residents ng komunidad. (JENNY F. MANONGDO)