BUTUAN CITY – Isang 15-anyos na lalaki ang muntik nang mabulag at nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan matapos na sumabog sa kanan niyang kamay ang ihahagis niyang piccolo, dakong 11:00 ng gabi nitong Pasko, sa Barangay Bag-ong Lungsod sa Tandag City, Surigao del Sur.

Agad na isinugod ang hindi pinangalanang biktima sa Adela Serra Ty Memorial Medical Center para magamot at maayos na ngayon ang lagay.

Ayon sa report, nagpapaputok ang binatilyo kasama ang kanyang mga kaibigan nang sumabog ang hawak niyang piccolo bago pa man niya naihagis ito.

Sa selebrasyon din ng Pasko nitong Biyernes, isang 49-anyos na ginang, na kinilalang si Lolita Azura, ng Bgy. Bading, Butuan City, ang natamaan din ng piccolo at nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Napadaan lang si Azura sa harap ng grupo ng kabataan sa kanilang barangay nang tamaan siya ng piccolo, ayon sa pulisya.

Batay sa mga report mula sa iba’t ibang ospital, health center, at himpilan ng pulisya sa limang lalawigan at anim na siyudad, mayroon nang 17 firecracker-related incident na naitala sa buong Northeastern Mindanao (Caraga region).

Upang maiwasan ang mga pagkasugat at iba pang aksidenteng dulot ng paputok, hinihimok ng Department of Health (DoH) ang publiko na gumamit na lang ng iba’t ibang paraan para mag-ingat sa pagsalubong sa Bagong Taon sa Huwebes ng gabi.

“Sa halip na paputok, gumamit na lang tayo ng mga ligtas na merry-making instruments at alternative noise-makers, gaya ng torotot, busina ng sasakyan, kahit mga gamit sa kusina, o magpatugtog ng malakas na musika o tumugtog ng drums,” sabi ni DoH-Region 13 Assistant Regional Director Dr. Cesar C. Cassion. (MIKE U. CRISMUNDO)