SUMAPIT na ang Pasko—ang masaya at makulay na pagdiriwang ng pagsilang ng Dakilang Mananakop. Inihudyat ang pagsapit ng Pasko ng masaya at matunog na repeke ng mga kampana sa mga simbahan sa buong bansa at ng muling pag-awit ng choir ng “Gloria On Excelsis Deo” tuwing Misa de Aguinaldo. Sa ibang mga simbahan ay nagliwanag ang mga ilaw ng Belen na isa sa mga sagisag ng unang Pasko sa Bethlehem na ang mga saksi ay ang pastol ng mga tupa na nakarinig sa masayang awit ng mga anghel nang isilang ang Banal na Sanggol sa isang sabsaban.
Sa St. Clement parish sa Angono, Rizal ay naging tampok sa Misa de Aguinaldo ang “Lakad-Parol” o ang paglalakad ng mga parol. Isa sa mga tradisyon sa Angono na inaabangan ng mga mananampalataya tuwing bisperas ng Pasko. Nagliwanag ang mga ilaw ng tatlong naglalakihang parol. Sinusundan ng 16 na maliliit na estrelya. Nakabitin at hinihila gamit ang mahabang kawad papasok ng simbahan patungo sa tapat ng altar habang inaawit ng choir ang “Gloria in Excelsis Deo”. Simbolo ng tatlong malaking parol na may korona sina Jesus, San Jose at ang Mahal na Birheng Maria. Ang mga maliliit na estrelya ay sumasagisag sa mga mananampalataya. Ang Lakad-Parol ay isang tradisyon sa Angono na namana sa kanilang mga ninuno. Ang tatlong malalaking parol at ang 16 na maliliit na estrelya ay matatagpuan sa simbahan ng Angono mula ika-16 ng Disyembre na simula ng “Simbang Gabi” hanggang sa matapos ang Pista ng Tatlong Hari. Tatak-Angono rin ang “bahay-langaw” na nakapabilog sa tatlong malalaking parol. Ang pondo sa paggawa ng tatlong malalaking parol ay ipinangingilak sa bayan.
Sa pagsapit ng Pasko, ang mga pangamba, takot at iba pang suliraning kinakaharap ng mga tao at ng daigdig ay pansamantalang nalilimutan at ang pag-ibig sa kapwa, pag-asa at kapayapaan ang binibigyan ng pansin at pinaghahari sa puso. Isang halimbawa ang pinaiiral na cease fire ng gobyerno at ng CCP-NPA. Nakalulungkot lamang sapagkat kahit may idineklarang ceasefire, ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ay in-ambush ang mga sundalo at mga tauhan ng pamahalaan na naghatid ng tulong sa mga kababayan natin sa Samar na biktima ng bagyo. Isapuso sana nila ang lantay na layunin ng tigil-putukan at ang tunay na diwa ng Pasko na pag-ibig at kapayapaan.
Tuwing sasapit ang Pasko, nalalantad ang mga katangi-tanging bagay tungkol sa ating pagiging Pilipino. Isa na rito ang ating pananampalataya, pag-asa, pagmamalasakit at ang kakayahan na magpatawad sa ating mga mahal sa buhay.
(CLEMEN BAUTISTA)