BAGAMAT nasa kalagitnaan tayo ng Christmas season, patuloy na nakapupukaw ng ating interes at pansin ang eleksiyon. Ang huling kabanatang may kinalaman sa halalan ay ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) en banc na kumakatig sa pasya ng dalawang dibisyon nito na nagdedeklara kay Sen. Grace Poe bilang hindi kuwalipikado para kumandidato sa pagkapangulo ng bansa dahil sa pagiging hindi isang “natural-born citizen” at sa kawalan ng 10-taong residency requirement.
Idudulog na ngayon ang kaso sa Korte Suprema, kasama ang may kaugnayang desisyon ng Senate Electoral Tribunal na nagdedeklara kay Senator Poe bilang kuwalipikado para kumandidatong senador noong 2010. Sa nasabing pasya ng SET na pinagdesisyon ng anim na senador at tatlong mahistrado ng Korte Suprema, sinabing nakatupad si Poe sa mga kinakailangang kuwalipikasyon para sa pagkandidatong senador, kabilang ang pagiging isang natural-born citizen.
Isa pang kandidato sa pagkapangulo—si Mayor Rodrigo Duterte ng Davao City—ang nahaharap din sa diskuwalipikasyon sa Comelec, dahil ang nais ng kandidato sa pagkapresidente ng PDP-Laban na palitan na si Martin Diño ay naghain ng maling Certificate of Candidacy matapos nitong isulat ang “mayor of Pasay City” sa espasyo para sa posisyong kanyang tatakbuhan.
Ang ikatlong kandidato sa pagkapangulo—si Mar Roxas ng Liberal Party—ay nakipagsagutan pa kay Mayor Duterte, at nagpalitan pa nga ng paghamon ang dalawa—mula sa sampalan, suntukan, at sa huli sa isang isasapublikong debate. Nananatili namang absuwelto sa alitan ang ikaapat na kandidato—si Sen. Miriam Defensor Santiago—ngunit manaka-naka siyang nagbibigay ng pahayag sa iba’t ibang usapin gaya ng pangangailangang tulungan ang mga overseas Filipino worker.
Sa lahat ng balitang ito na itinampok sa mga pahayagan, isang survey ang ginawa ng Pulse Asia at sa isang malaking sorpresa, ang ikalimang kandidato—si Vice President Jejomar Binay – ay muling nanguna sa mga nais iboto ng mga Pilipino. Lumaylay ang kanyang rating sa nakalipas na mga buwan sa kasagsagan ng mga pagbubunyag ng umano’y mga katiwalian noong siya pa ang alkalde ng Makati City 20 taon na ang nakalilipas, bukod pa sa biglang sumikat ang mga kandidatong sina Poe at Duterte. Ngayon, malinaw na nagbubunga na ang tuluy-tuloy na pangangampanya ni Binay, habang lumalabo naman ang pag-asa ng mga dating nangunguna sa survey—sina Duterte at Poe.
Ipinakita lang ng survey kung gaano kawalang kasiguruhan ang sitwasyon at kung paanong nagbabago ang pananaw ng mamamayan. May mahigit apat na buwan na lang bago ang halalan sa Mayo 9, 2016. Malapit na ring magdesisyon ang Korte Suprema at ang Comelec na makaaapekto sa kapalaran ng iba’t ibang kandidato. Asahan natin ang mas marami pang pagbabago sa kabuuan ng pulitika sa bansa sa susunod na apat na buwan ng buhay na buhay na eleksiyong ito.