Binatikos ng isang kongresista mula sa oposisyon ang umano’y pagbabanta ng Bagani Magahat, isang anti-communist militia sa Mindanao, na ililigpit ang mga mamamahayag sa rehiyon tulad ng sinapit ng kanilang mga kabaro sa tinaguriang “Maguindanao Massacre.”

Pinangunahan ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate ang mga mambabatas sa pagbatikos kay Bobby Tejero, lider ng Bagani Magahat, na papatayin ang mga mamamahayag na magko-cover ng anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP) ngayong Disyembre 26.

Iginiit ni Zarate na binibigyan ng proteksiyon ng militar si Tejero.

“That these barefaced threats are issued while a mutual ceasefire and suspension of military operations were declared by the government and the rebels, smack of brazen impunity and disrespect of civilian authorities,” pahayag ng opposition solon.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Ipinasa rin ni Zarate sa media, na nakabase sa Mindanao, ang mga text message ni Tejero.

Iniugnay din ni Zarate ang grupo ni Tejero sa pagpatay kay Emerito Samarca, administrator ng Alternative Learning Center for Agriculture and Livelihood Development (Alcadev); at sa mga lider ng Manobo na sina Dionel Campos at Datu Bello Sinzo sa Lianga, Surigao del Sur.

Naglabas na ng arrest warrant ang isang hurado sa Mindanao laban kay Tejero at kanyang mga galamay na nasa likod umano ng paghahasik ng lagim sa mga liblib na barangay sa Surigao del Sur kung saan sinasabing inutil ang mga pulis at militar sa pagsugpo sa kanilang ilegal na gawain, ayon pa sa mambabatas. - Ben Rosario