MULING inilunsad ang Oplan Iwas Paputok, isang multi-sectoral na kampanya kontra paputok para sa ligtas na pagdiriwang sa Bisperas ng Bagong Taon—at pinaiigting pa ito—bawat taon ng Department of Health (DoH) at Philippine National Police (PNP) upang bigyang-babala ang publiko laban sa panganib na may kaugnayan sa mga paputok at pyrotechnics.
Kabilang sa pinaigting na kampanya ang tuluy-tuloy na mga impormasyon sa pamamagitan ng mga lokal na pamahalaan, ng akademya, at ng mga mamamahayag, upang mamulat ang publiko, partikular ang kabataan at mga bata sa mga sugat na maaaring matamo, at posibleng ikamatay, dahil sa hindi wastong paggamit ng paputok at pagpapaputok ng baril. Pinupuntirya ang “zero casualty” sa pagsalubong sa bagong taon.
Sa kabila ng taunang pagbabawal sa mga paputok dahil sa mga aksidenteng maaaring mauwi sa pagkawala ng buhay, bahagi ng katawan, at ari-arian, maraming Pilipino ang tradisyon nang salubungin ang Bagong Taon sa pamamagitan ng ingay ng mga paputok, sa paniniwalang ang malakas na tunog ay makapagtataboy ng masamang espiritu at kamalasan, at makatutulong upang maging masagana ang susunod na taon.
Hinihimok ng Do Hang publiko na gumamit na lang ng mga alternatibong paraan ng pag-iingay, gaya ng pagtotorotot, pagbusina ng sasakyan, pag-iingay ng mga lata, kaldero at kawali, at pagpapatugtog ng radyo, sa pagsalubong sa 2016. Sa halip na magsindi ng paputok, bumisita na lang sa mga community fireworks display, ayon pa sa kagawaran. Maraming lokal na pamahalaan ang nagtatakda ng common fireworks display sa isang pampublikong lugar, na pinangangasiwaan ng mga pyrotechnician. Ilang siyudad sa labas ng Metro Manila ang may sapilitang ban sa paputok, hindi lamang dahil nakakasugat ito, kundi dahil nagiging sanhi rin ito ng mga sunog. Nakaalerto ang Bureau of Fire Protection, pinapayuhan ang publiko na magpatupad ng mga hakbangin para sa ligtas na paggamit ng pyrotechnic devices.
Kapag nagtamo ng sugat na may kinalaman sa paputok, gaya ng pagkasunog, pagkalason, at pagkasugat ng mata, kamay, paa, at mukha, pinapayuhan ang mga tao na maghugas ng kamay, at agad na magpagamot sa pinakamalapit na health center upang maiwasang matetano. Itinala ng DoH na may 860 ang nasugatan sa pagsalubong sa 2015 noong nakaraang taon, na pito sa mga ito ang nakalunok ng paputok, at 13 ang tinamaan ng ligaw na bala. Kalahati sa mga nasugatan ay dulot ng ipinagbabawal na “piccolo”, isang maliit at mura ngunit malakas na paputok, na ibinebenta pa rin hanggang ngayon.
Hinimok na rin ang mga lokal na opisyal na maging mapagmatyag laban sa piccolo; sinabi ng DoH na kung hindi na ito ibebenta sa merkado, tiyak na magiging malaki ang ibababa ng bilang ng mga nasugatan sa paputok. Kaya naman isinusulong nito ang total ban sa mga paputok at partial ban sa fireworks sa bansa. Hiniling din ng mga nagsusulong sa kapakanan ng kalikasan sa gobyerno na ipagbawal sa mga menor de edad ang bumili, tumanggap, at gumamit ng mga paputok.
Napatunayan nang epektibo ang Oplan Iwas Paputok, batay na rin sa malaking nabawas sa bilang ng mga nasugatan dahil sa paputok noong 2009. Ang tagumpay ng zero casualty ay nakasalalay sa sama-samang pagkilos at pagtutulung-tulong ng mamamayan.