WALA raw namataan ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na bagyo o low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), kaya magiging maganda ang lagay ng panahon ngayong Pasko. Ngunit ang mataas na tubig baha sa anim na bayan sa Pampanga ay mananatili hanggang Pasko.
Nauna rito, 43 bayan sa lalawigang ito ay binaha. Binaha rin ang 55 bayan sa Bulacan. Marami ring bayan ang binaha sa Baler, Aurora. Kaya, inilagay sa state of calamity ang ilang bayan dito dahil masyado silang pinahirapan ng bagyo. Ang ilang bayan sa Oriental Mindoro ay nasa state of calamity na rin.
Pero ang kapuna-puna ay ang nangyari sa Gitnang Luzon. Hindi lang naman ang mga lalawigan at bayang sakop nila ang binaha. Katunayan nga, halos lahat na dinaanan ng bagyo at nasakop ng kanyang dalang ulan, tulad ng Maynila at mga karatig pook, ay binaha rin. Pero, nang tumigil na ang pag-ulan at kahit ang bagyo ay hindi pa nakalabas ng PAR, humupa na ang baha maliban sa Bulacan, Pampanga at Nueva Ecija. Patuloy na tumataas ang tubig sa mga lalawigang ito.
Hanggang ngayon, nanatili pa ring lubog ang mga bayan sa Bulacan at Pampanga.
Noong kasagsagan ng bagyo, nagkaroon ng landslide sa Gabaldon, Nueva Ecija. Hindi madaanan ang highway sa bayang ito dahil binarahan ng lupa, mga naglalakihang bato at mga troso. Ang mga trosong humambalang sa kalye ay iilan na lang sa mga natira sa mga pinutol na puno. Kaya walang mga ugat na bumibigkis sa lupa at bato na siyang sanhi nang pagdausdos ng mga mga bato. Kayat ang tubig na dala ng ulan na bumagsak sa kabundukan ay hindi na naiipon. Ito ang patuloy na bumababa sa mga mababang lugar. At hanggang ngayon, tumataas pa ang tubig sa Nueva Ecija, Pampanga at Bulacan kahit na tirik na tirik ang araw.
Maganda na ang panahon. Noon pa naman ay maganda na ito sa mga taong ginamit ang kapangyarihan upang magpasasa sa biyaya ng kalikasan. Sila iyong lumapastangan sa mga puno at iba pang likas na yaman. Dala ng kanilang kaganiran, sariling interes lamang ang kanilang pinaglingkuran at sa pinakamasayang araw ngayon ng taon dahil kapanganakan ng Panginoon Hesus, ang mga biktima ng kanilang kasakiman ay nasa mga evacuation center at kani-kanilang tahanang lubog sa baha na malungkot at umiiyak. Napakalungkot ng kanilang Pasko. (RIC VALMONTE)