MATAGAL ding pinanabikan ng mamamayan, lalo na ng mga biktima ng bagyong ‘Nona’ at ‘Onyok’ ang pagbisita sa kanila ni Presidente Aquino. Sa gitna ng magkahalong kabiglaan at kagalakan, nakatanggap sila ng relief goods mula sa Pangulo; kaakibat ito ng madamdaming mensahe ng pakikiramay sa sinapit nilang trahedya.

Personal na nakilala ng Pangulo ang mga biktima ng kalamidad na halos magsiksikan sa mga evacuation centers matapos was akin ng mga bagyo ang kani-kanilang tirahan at maging kanilang mga hanap-buhay ay hindi nakaligtas. Bilyun-bilyong pisong halaga ng mga tulay at kalsada ang nasira sa malaking bahagi ng Luzon at maging sa Kabisayaan.

Malawak na rehabilitasyon ang kailangan ngayon, isang bagay na dapat tiyakin ng administrasyon.

Sa kabila ng malasakit na ipinamalas ng Pangulo, hindi maiaalis na itanong ng ilang sektor ng sambayanan: Bakit ngayon lamang siya nagpakita sa mga sinalanta ng bagyo at baha? Maaaring ang tugon dito ay nakaangkla sa seguridad at panahon na dapat isaalang-alang sa presidential schedule.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Matatandaan na noong manalasa ang super typhoon ‘Yolanda’ ay hindi rin natuloy ang Pangulo sa kanyang pagbisita sa mga nasalanta. Katunayan, naging tampulan din ito ng negatibong reaksiyon ng ilang sektor. Gayunman, ang mahalaga ay nagampanan niya ang isang makataong misyon.

Bigla kong naalala ang istilo ng pakikiramay ni dating Presidente Ramos sa mga binagyo at binaha noong panahon ng kanyang panunungkulan. Kaagad pinupuntahan ang mga biktima ng kalamidad; sinusuri ang lawak ng pinsala sa pamamagitan ng helicopter at iba pang uri ng sasakyan. Ginagampanan niya ang makabuluhang misyong ito kahit sa kasagsagan ng pananalanta ng kalamidad.

Nang masunog ang isang bahagi ng National Kidney Transplant Institute (NKTI), halimbawa, sumugod siya sa pinangyarihan upang personal na alamin ang mga pangyayari. Marami pang insidente ang hindi niya pinalampas. Isa siyang hands-on leader.

Masyadong malambing ang mamamayan. Nais nilang makita ang isang Pangulo na laging nakaagapay sa kanila. Sa anu’t anuman, pinatunayan ni Pangulong Aquino na kahit na huling dumating ang mga relief goods, naihabol din.

(CELO LAGMAY)