Umaapela ng tulong sa kinauukulan ang 37 pamilya na nawalan ng tirahan matapos maabo ang isang residential area sa Makati City, noong gabi ng Disyembre 22.
Malungkot na ipinagdiwang ang Pasko ng mga apektadong residente na pansamantalang nanunuluyan sa covered court at bisinidad ng Barangay Palanan matapos ang insidente.
Sa pagsisiyasat ni SFO1 Reynaldo D. Gonzales, ng Makati City Fire Department, dakong 9:26 ng gabi nitong Martes nang sumiklab ang apoy sa loob ng bahay ng isang James Minaling sa 4965 sa kanto ng Enrique at Diesel Streets Barangay Palanan, dahil umano sa napabayaang nilulutong pagkain.
Mabilis na kumalat ang apoy sa 18 magkakatabing bahay na pawang gawa sa light materials at umabot sa ikatlong alarma ang sunog.
Ganap na 10:15 ng gabi nang tuluyang naapula ang sunog ng mga bombero at tinaya sa P150,000 ang halaga ng mga natupok na ari-arian.
Masuwerte namang walang nasugatan sa insidente at patuloy na iniimbestigahan ang sunog sa lugar. (Bella Gamotea)