Ni JIMI ESCALA
KUNG may mga nagsasabi na nasira ang ambisyon sa pulitika ni Alma Moreno nang magpainterbyu siya kay Karen Davila, iba naman ang pananaw ng isang matagumpay na pulitikong nanggaling sa showbiz.
Ayon sa source namin, na nakiusap na huwag nang banggitin ang kanyang pangalan, dahil sa kontrobersiyal na interbyu ay malaki ang itinaas ni Alma sa survey among senatoriables.
Kung dati raw ay isa sa mga kulelat ang pangalan ng konsehala ng Parañaque at presidente ng Councilors League of the Philippines, sa latest survey ng Pulse Asia ay malaki na ang iniangat ng dating aktres.
“Tingnan n’yo, tumaas si Alma. Kumbaga, ang mga botante naman, eh, may kanya-kanyang interpretasyon sa interview na ‘yun. Ginagamit nila ang puso kaysa isip. Kumbaga, mas nakikisimpatya sila sa aktres na sobrang nilalait dahil sa pagpapainterbyu niya kay Karen Davila,” sey ng kausap namin.
Binanggit din niya na kahit nagkakasama sila noon ni Alma sa ilang pelikula ay hindi niya masasabi naging kaibigan niya ang aktres. Pero ayon daw sa nakausap niyang malapit kay Alma, tuwang-tuwa ang huli na kahit paano ay napasama na siya sa top 20 senatoriables.
Pero tama lang daw na huwag munang magbigay ng kahit na anong komento si Alma para maiwasan ang anumang panibagong intriga.
Sa naturang politician din namin nalaman na halos lahat ng mga may konek sa showbiz ay tumaas sa survey kagaya nina Manila Vice Mayor Isko Moreno na nasa 13th slot, halos kadikit ni Edu Manzano.
Samantala, numero uno pa rin sa survey ang host ng Eat Bulaga na si Sen. Tito Sotto, at hindi naman malayo sa kanya ang pumangatlo na asawa ni Batangas Gov. Vilma Santos na si Sen. Ralph Recto.
Pasok naman sa top twelve sina Francis Pangilinan at Cong. Manny Pacquiao.