Hinikayat kahapon ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga mamimili na iulat sa kagawaran ang mga establisimiyentong hindi sumusunod sa suggested retail price (SRP) sa mga bilihin, partikular ang mga produktong pang-Noche Buena at pang-Media Noche.
Ayon kay DTI Undersecretary, Atty. Victorio Dimagiba na walang pagtataas ng presyo na mangyayari sa mga Media Noche items sa mga supermarket at grocery stores sa bansa, at dapat pasok ang mga presyo sa SRP.
Babala ni Dimagiba sa mga negosyanteng mahuhuling magsasamantala, papatawan ang mga ito ng kaukulang parusa alinsunod sa Price Act Law.
Dalawang tindahan ang pinagpapaliwanag ngayon ng DTI dahil sa nakitang paglabag sa sorpresang inspeksiyon ng mga opisyal ng kagawaran.
Huli sa akto ang unang tindahan sa pagbebenta queso de bola na walang price tag, habang ang isa naman ay nagtitinda lang ng imported na queso de bola sa kabila na maraming produkto na gawa sa bansa.
Noong Nobyembre, tiniyak ng DTI na walang price increase sa Noche Buena products hanggang Pasko gayundin ang sapat na supply nito sa mga pamilihan kasunod ng pangako ng mga manufacturer.
Unang nag-ikot ang mga kinatawan ng DTI sa mga pamilihan sa bansa upang magpaskil ng posters ng SRP ng Noche Buena products para gabayan ang mga mamimili.
Maaaring tumawag sa DTI Hotline na 751-3330 para sa mga sumbong at katanungan. (Bella Gamotea)