Pitong katao, kabilang ang isang driver ng pampasaherong bus at isang mekaniko, ang naaresto habang nasa kainitan ng pot session sa isang pinaghihinalaang shabu den sa Barangay Socorro, Cubao, Quezon City noong bisperas ng Pasko.
Kinilala ni Chief Insp. Enrico Figueroa, hepe ng QCPD-District Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group (DAID-STOG), ang mga naaresto na sina Salvador Capillan, alias Don-Don, 31, truck helper; Felipe Mara Jr., alias Dan, 50, mekaniko; Rolly Dela Cruz, alias Pot-Pot, 38; Edwin Ga, alias Boy, 50; Arthie Ronquillo, alias Art, 34; Reynald Rosatase, alias Reynald, 34, bus driver; at Anna Marie Evangelista, alias Anna, 28.
Sinabi ni Figueroa na sinalakay ng kanyang mga tauhan ang isang apartelle sa Cubao, Quezon City dakong 11:00 ng gabi noong Huwebes matapos makatanggap ng impormasyon sa pamamagitan ng isang text message na dito humihithit ang mga addict.
Nang dumating ang kanyang mga tauhan sa lugar, sinabi pa ng opisyal na naaktuhan ng mga pulis ang pito habang bumabatak ng shabu.
Nabawi rin umano sa pitong suspek ang walong sachet na naglalaman ng shabu.
Inabot ng halos dalawang linggo ang pagmamanman ng mga operatiba laban sa mga suspek bago ikinasa ang pagsalakay.
“Mismong si district director (Chief Supt. Edgardo G. Tinio) ang nagbigay ng direktiba sa amin na tutukan ito. Two weeks din namin trinabaho ito,” pahayag ni Figueroa. - Francis T. Wakefield