Sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kinukumpirma nito ang isang propaganda video na sinasabing inilabas ng teroristang Islamic State (IS) at nagpapakita ng diumano’y isang training camp para sa army ng caliphate sa Pilipinas.
Ayon kay AFP spokesman Col. Restituto C. Padilla, isinasalang na ang video sa cyber-forensics ng intelligence operatives mula sa iba’t ibang ahensiya para beripikahin kung tunay ito.
“It was brought to our attention by some of some of our friends from the media. We submitted this for validation and authentication so it’s now undergoing that process,” sabi ni Padilla, tinutukoy ang video na ipinaskil sa website ng SITE Intelligence Group.
“We take all video materials that have come out in the internet seriously . . . all of these are serious things that bear on our [national] security so we don’t put them aside. That’s why we need to validate and authenticate them very carefully,” diin niya.
Sa oras na ma-validate at ma-authenticate at sumailalim sa proseso ng cyber forensics, sinabi ni Padilla na tutukuyin ng AFP kung ito ay kapani-paniwalang video o isa lamang propaganda.
Idinagdag niya na hindi itinatanggi ng AFP na mayroong mga IS sympathizer sa bansa.
“Pero ang sinasabi lang po natin wala po tayong nakikita pang verified at credible or authentic na link,” ayon kay Padilla.
Itinanggi ng Malacañang na mayroon nang IS training camp sa bansa. Ito ay matapos lumutang ang mga ulat na nagpapalakas ng presensiya ang IS sa Indonesia at Pilipinas sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga training camp. Ngunit sa kabila ng paggigiit ng pamahalaan na walang jihadist training camp sa bansa, hinimok ng mga awtoridad ang publiko na maging alerto kasunod ng mga terror attack sa ibang bansa.
“Patuloy ang aming panawagan sa ating mga kababayan at saka sa ating mga kumunidad, ipagpatuloy niyo po ang pagiging alerto at pakikipag-ugnayan sa lahat ng mga otoridad po para kung may alam kayo, may nakita kayo at may napansin kayo na dapat ipagbigay alam niyo, ipagbigay alam niyo po kaagad para maprotektahan natin lahat,” sabi ni Padilla. - Elena L. Aben