Ang Cleveland Cavaliers at Golden State Warriors ang dalawa sa 10 NBA teams na maglalaro at inaasahang magiging maaksiyong laban sa mismong araw ng Pasko.
Ito ang rematch sa pagitan ni Stephen Curry ng Warriors at LeBron James ng Cavaliers, na nagharap noong huling season ng NBA finals.
Posibleng kayang maulit na naman ang banggaan ng dalawang koponan katulad ng huli?
Ang labanan ng Golden State at Cleveland ay mapapanood ng live sa Channel 2 sa Disyembre 26, Linggo.
Samantala, nilampasan ni Dallas Mavericks star Dirk Nowitzki ang dating Los Angeles Lakers center na si Shaquille O’Neal para sa ikaanim na puwesto sa NBA all-time scoring list sa paghulog ng 22-puntos upang biguin ang host Brooklyn sa iskor na 119-118 sa overtime.
Ang 37-anyos na German ay inihulog ang isang jumper sa harap ni Andrea Bargnani, may 2:09 segundo sa ikalawang yugto upang lampasan ang kanyang kinakailangang 10- puntos at malaktawan si O’Neal, na tinapos ang kanyang paglalaro sa kabuuang 28,596 puntos.
“He’s probably the most dominant big man to ever play this game so it’s kind of surreal that I’m up there amongst these all-time greats,” sabi ni Nowitzki. “For a kid leaving Germany over 18 years ago who didn’t know what to expect, it has been an amazing ride.”
Si Nowitzki, na nilampasan si Moses Malone sa ikapitong puwesto sa listahan, noong nakaraang taon sa Brooklyn, ay inaasahang mahahamon ang record ni Wilt Chamberlain sa ikalimang puwesto na kabuuang 31,419 puntos kung ito ay maglalaro muli sa NBA sa susunod na season.
Nagtala naman si JJ Barea ng 32- puntos kasama ang game-high 11 assist upang pamunuan ang Dallas habang nanguna si Thaddeus Young para sa Nets na may 29 at game-high 10 rebound.
Samantala, umiskor si LeBron James ng 24- puntos at humakot ng 9 na rebound at 5 assist, habang si Kevin Love ay may 23-puntos at 13 rebound upang itulak ang Cleveland Cavaliers sa panalo kontra sa bumibisitang New York Knicks, 91-84.
Nabitawan ng Cavaliers ang 11-puntos na abante bago tinapos ang laban sa 11-2 run upang selyuhan ang panalo.
Nagtala si James ng 9 na puntos sa ikaapat na yugto kung saan nag-aaverage ito bilang NBA-best 8.7 puntos sa ikaapat na yugto ngayong taon. Ikalawa sina Stephen Curry at Anthony Davis sa 7.7 kada laro sa natitirang 12 minuto sa regulation time.
Nagtala naman si Kelly Olynyk ng 20-puntos at si Jae Crowder ay nagdagdag ng 19- puntos at 12 rebound para sa Boston na iniuwi ang 102-89 panalo sa Charlotte Hornets.
Itinulak pa ng San Antonio ang winning streak nito sa pitong laro sa 108-83, panalo kontra Minnesota.
Umiskor si Kawhi Leonard ng 19- puntos upang pamunuan ang anim na kakampi na may double-figure para sa Spurs, na nakakuha ng 14- puntos mula sa French guard na si Tony Parker at 13 sa reserve na si David West. - Angie Oredo/
Abs-Cbn Sports