Ravena at Valdez
Ravena at Valdez
Basta’t taos sa puso at buo sa loob ang kagustuhan na makatulong, kahit sino ay puwedeng makagawa ng paraan kahit ang mga kabataan.

Ito ang pinatunayan ng mga collegiate basketball at volleyball superstars na sina Kiefer Ravena at Alyssa Valdez sa matagumapay na pagdaraos ng proyekto nilang FASTBREAK 3, isang volleyball exhibition charity match para sa mga nasalanta ng nakaraang bagyong Nona.

Katunayan, pinuri ang dalawang kabataang atleta ni Philippine National Red Cross chairman Richard Gordon na gaya nina Ravena at Valdez ay produkto din ng Ateneo at personal na dumalo sa event na nakalikom ng kalahating milyong piso.

Ang kinita ng nasabing proyekto ay mapupunta sa mga naging biktima ng Nona sa lalawigan ng Mindoro at Northern Samar.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“For the beneficiaries from the typhoon, this only shows that you’ re not alone. That’s why I took time to support this kids,” ani Gordon.

“Nakakatuwa kasi na sa halip na nagpapahinga sila o ini-enjoy ang holidays, eto sila at inilalaan ang oras para makatulong,” dagdag nito.

Hindi naman nakapagtataka dahil bata pa lamang ay iminulat na si Ravena ng mga magulang sa pagtulong sa mga nangangailangan.

“Nung maliit pa siya, isinasama namin siyang mag- medical mission tapos kapag Pasko naman ay bumibisita kami sa mga orphanage at nagbibigay pag may konting kinita,” anang butihing ina ni Ravena na si Mozzy.

“Unti- unti lang hanggang sa nadevelop na rin at ‘yun naman ang maganda.”

Bukod sa ina, katulong din ni Ravena ang amang si Bong at mga kapatid na sina Thirdy at Dani gayundin ang mga kaibigang basketball player na sina Kevin Ferrer, Gelo Alolino at magkapatid na Russel at Richard Escoto.

Nakatuwang naman ni Alyssa ang kanyang mga fan at mga kaibigan nilang mga volleyball player gaya nina Jaja Santiago at Jen Reyes,Sue Roces,Bang Pineda, Michelle Gumabao at mga kapwa Ateneo player na sina Ella de Jesus, Charo Soriano, Jem Ferrer, Denden Lazaro sampu ng dati nilang head coach na si Roger Gorayeb na kwelang kwela sa pagiging referee.

May mga showbiz personalities din na tumulong at nakiisa sa event sa pangunguna nina Yayo Aguila at IC Mendoza.